Default Thumbnail

Mayor Honey, VM Yul Servo, dumalo sa inagurasyon ng 10 LandBank mobile ATMs

August 5, 2022 Edd Reyes 256 views

INILUNSAD ng Land Bank of the Philippines (LandBank) ang kanilang sampung mobile Automated Teller Machines (ATMs) na idinisenyo upang magkaloob ng serbisyo sa mga komunidad na may limitado lamang serbisyo sa pagbabangko, Biyernes ng tanghali sa Maynila.

Pinangunahan nina LandBank President at CEO (Chief Executive Officer) Cecilia Borromeo, Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan at Vice Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto ang inagurasyon at pagbabasbas sa mga mobile ATMs na ginanap sa Plaza Rajah Sulayman sa Malate, Manila.

Dumalo rin sa naturang inagurasyon sina by LandBank Director Virgilio Robes; LBP Leasing and Finance Corporation President at CEO Michael Arañas; LandBank Executive Presidents Alex Lorayes, Alan Bornas, at Carel Halog; Senior Vice President Randolph Montesa at iba pang opisyales ng naturang bangko.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Borromeo na ang paglulunsad ng kanilang bagong mobile ATMs ay sumasalamin lamang sa pagpapatuloy ng kanilang pangako na magkaloob ng walang sagabal at mahalagang serbisyo sa kanilang mga kliyente at ito’y kanilang pinalalawak upang makaabot sa buong kapuluan para sa pagtataguyod ng pag-unlad ng buhay ng bawat mamamayan.

Sa kanya namang pagsasalita bilang panauhing pandangal, taos-pusong nagpasalamat si Mayor Honey Lacuna-Pangan sa pamunuan ng LandBank dahil sa kanilang walang humpay na paghahanap ng paraan upang makapagbigay ng mga pangunahing banking services sa pamamagitan ng mobile ATMs, hindi lamang sa mga taga-Maynila, kundi sa iba pang mga naninirahan sa malalayong lugar na kadalasang dinadalaw ng kalamidad, tulad na lamang sa Abra.

Binanggit din ng alkalde sa kanyang pagsasalita ang P1.2 bilyong ipinauutang ng LandBank sa Lungsod ng Maynila na kanilang gagamitin sa pagbili ng mga moderno o makabagong gamit pang-medikal para sa bagong tayong Bagong Ospital ng Maynila.

Maging ang P1.6 bilyong pautang na handa ring ipagkaloob ng LandBank ay nasambit ng alkalde sa kanyang pagsasalita na aniya ay ilalaan nila para tustusan ang expropriation ordinances ng Sangguniang Panlungsod sa ilalim ng kanilang programang “land for the landless”.

“Marami po tayong mga kababayan na wala pong sariling lupa. Iyon pong ating mga informal setllers na nagnanais na yung lupang kinatitirikan ng kanilang mga bahay ay mapunta na sa kanila. Makikipaghatian po ang Pamahalaang Lungsod dito po sa ating mga informal settlers kaya napakalaking tulong po para sa mga kababayan natin dito sa Maynila na makamit na nila yung lupang matagal na nilang pinapangarap at maraming-maraming salamat po sa LandBank dahil po sa walang sawa nilang pagtulong sa ating lungsod,” sabi pa ng alkalde.

Ayon kay Mayor Honey, noon lamang nakaraang linggo ay nagtungo sa kanyang tanggapan ang matataas na opisyal ng LandBank upang ipaabot na muli sa kanyang kaalaman ang kahandaan ng naturang bangko na magpautang sa Lungsod ng Maynila na hanggang P10 bilyong piso sa paniwalang may kapasidad ang Pamahalaang Lungsod na magbayad ng utang.

“Ang ibig sabihin lang po in layman’s term, kayang-kaya po sa paningin ng LandBank na mababayaran namin ang hiniram sa kanila,” pagmamalaki pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE