Default Thumbnail

Mayor Honey sinibak ang ‘kotong’ enforcer na huli sa viral video

September 28, 2022 Edd Reyes 325 views

INAPRUBAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan ang pagsibak sa serbisyo ng isang traffic enforcer na nakuhanan ng video na nag-viral sa social media habang “nangongotong” sa isang motorista sa Sampaloc, Maynila.

Sa inilabas na memorandum order ni Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Acting Director Zenaida Viaje na isinumite sa tanggapan ng alkalde, nakasaad ang tuluyang pagsibak sa tungkulin ng traffic enforcer makaraang makagawa ng ilegal na aktibidad sa pagganap sa kanyang tungkulin.

Inatasan din ni Acting Director Viaje ang MTPB enforcer na isuko ang kanyang Ordinance Violation Receipt (OVR) na inisyu sa kanya ng tanggapan, pati na ang ID, at uniporme kay MTPB Chief of Operation Wilson Chua.

Sa viral video na ipinost ng Visor Facebook page (https://fb.watch/fKFefaG2OI/), makikita na hinuli ng enforcer ang nagmamaneho ng isang motoriklo sa kahabaan ng Dimasalang Street, Sampaloc makaraang hindi huminto at magtuloy-tuloy kahit pula na ang stop light.

Dahil aminadong nakagawa ng paglabag sa batas-trapiko, hindi na pumalag ang rider nang sabihin sa kanya na iisyuhan siya ng OVR subalit nang ipakita niya ang dalang official receipt at certicate of registration (OR/CR) ng kanyang minamanehong motorsiklo, sinabi umano ng MTPB enforcer na i-impound ang motorsiklo dahil malabo ang kopya ng kanyang OR/CR, bukod sa sasailalim pa siya sa seminar upang matuto sa wastong disiplina, kaligtasan, at kortesiya sa lansangan.

Gayunman, inalok umano ng traffic enforcer ang rider na magbayad na lang ng P5,000 para hindi na ma-impoud ang kanyang motorsiklo subalit tumawad sa naturang halaga ang rider sa enforcer hanggang magkasundo sila sa halagang P2,000.

Nakita rin sa video kung paano inihulog ng rider sa helmet ng enforcer ang salapi bago niya lisanin ang lugar.

Nauna ng nagpakalat ng maraming traffic enforcer sa mga lansangan sa Lungsod ng Maynila si Mayor Honey noong nakaraang buwan makaraang suspendihin ng Korte Suprema ang pagpapatupad ng “Non-Contact Apprehension Policy” (NCAP).

Gayunman, binalaan niya ang mga traffic enforcers na mahaharap sila sa mabigat na kasong kriminal at administratibo sa oras na humingi o tumanggap sila ng lagay sa mga nagkakasalang motorista.

AUTHOR PROFILE