Lacuna

Mayor Honey, bumuo ng komite kontra sindikato ng ‘professional squatters’

August 23, 2022 Edd Reyes 329 views

BUNGA ng dumaraming bilang ng mga “professional squatters” sa Lungsod ng Maynila, binuo ni Manila Mayor Maria Sheila “Honey” Lacuna-Pangan ang isang komite na tututok at mangangasiwa sa pagtukoy sa aktibidad ng sindikato ng mga squatters.

Sa ilalim ng Executive Order (EO) No. 26 Series of 2022 na nilagdaan ni Mayor Honey at pinagtibay ni Secretary to the Mayor Atty. Marlon Lacson nito lamang Lunes, Agosto 22, ang binuong komite na tatawaging “Local Committee Against Squatting Syndicate and Professional Squatters” ay pangungunahan mismo ng alkalde bilang chairperson habang ang hepe ng Manila Police District (MPD) ang tatayong vice chairman.

Kabilang naman sa mga miyembro ng komite ang Officer-in-Charge (OIC) ng Manila Urban Settlement Office, Officer-in-Charge ng Manila Barangay Bureau, kinatawan ng Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP), kinatawan ng PCUP accredited Urban Poor Organization, at kinatawan ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).

Sa ilalim ng inilabas na Memorandum Circular No. 2012-04 ng Department of the Interior and Local Government (DILG), ang binuong komite ang magsisilbing kamay ng pakikibaka ng pamahalaan laban sa propesyunal na squatters at sa sindikatong binubuo nito upang mapuksa na ang kanilang ilegal na aktibidad.

Kabilang sa mga tungkuling gagampanan ng komite sa ilalim na umiiral na panuntunan ay ang magpatibay ng mga panukalan na tutukoy at epektibong lalansag sa aktibidad ng mga “propesyunal na squatters” at sa sindikatong binubuo nito, kabilang na ang pagkilala sa mga hinihinalang opisyal ng pamahalaan, pribadong indibidwal o grupo na sumusuporta at kumukunsinti sa kanilang gawain.

Bibigyan din ng kopya ng komite ng mga pangalan ng mga natukoy nilang mga propesyunal na squatter at sindikatong binubuo nito ang DHSUD at National Housing Authority (NHA) upang hindi na mapasama ang kanilang pangalan sa mga darating pang proyekto at programang pabahay ng pamahalaan at irekomenda ang kanilang diskwalipikasyon sa kasalukuyang programa.

Pagkakalooban din ng kapangyarihan ang komite na maghain o tumulong sa paghahain ng kaso sa mga magrereklamo laban sa mga propesyunal na squatter at kanilang mga kasabwat na opisyal ng pamahalaan sa piskalya at puwede rin silang humingi ng kaukulang tulong sa anumang ahensiya ng pamahalaang may kaugnayan dito kung kinakailangan.

AUTHOR PROFILE