Babyboy

Marco sa relasyon kay Cristine: Nasa kanya na ’yon

March 11, 2023 Ian F. Fariñas 325 views

MATIPID ang mga naging sagot ni Marco Gumabao sa kumakalat na tsikang may something sa pagitan nila ng kapwa Viva artist na si Cristine Reyes.

Sa katatapos na presscon ng bago niyang pelikula para sa Viva, Baby Boy, Baby Girl, kasama ang beauty queen na si Kylie Versoza, sinabi ni Marco na “very, very close” nga sila ni Cristine, nagha-hangout at nagwo-work-out na magkasama.

Ayon pa sa aktor, 2016 sila unang nagkatrabaho ng nakababatang kapatid ni Ara Mina sa kauna-unahang teleserye niya na Tubig at Langis.

“I can say that we have formed a good relationship and solid friendship throughout the years,” dagdag ni Marco.

Marami nga ang nag-akala na ang closeness na iyon ng dalawa ay bunga lamang ng muli nilang pagsasama sa second installment ng Marcos trilogy na Martyr or Murderer (MoM).

Dito ay ginagampanan muli ni Cristine ang papel ni Senator Imee Marcos habang si Marco naman ang lumalabas bilang batang former President Ferdinand Marcos Sr.

Umugong ang balitang nagkakamabutihan na ang dalawa nang maispatan silang nagbabakasyon sa Siargao Enero ngayong 2023.

Ayon sa ilang netizens, magkasamang nag-scuva diving sina Marco at Cristine noon at may pagkakataon pang namili sila ng mga gamit para sa kanilang mga aso.

Para sa binata, click sila ng trip sa buhay ni Cristine.

Giit niya, “Cristine is a very honorable person, click kami in terms of mga trip namin sa buhay, ugali namin, nagku-complement kami with each other.”

Nasa aktres na raw ang sagot kung mauuwi nga ba sa seryosong relasyon ang closeness nila sa ngayon.

“Well, nasa kanya na ‘yun!” natatawang banggit ni Marco.

Anyway, ang Baby Boy, Baby Girl ay dinirek ni Jason Paul Laxamana.

Kasama nina Marco at Kylie sa cast sina Giselle Sanchez (bilang sugar mommy ni Marco), Rey Abellana (sugar daddy ni Kylie), Yen Durano, Gino Roque, Migo Valid at Andrea Babiera bilang sugar babies.

Magsisimula itong mapanood sa mga sinehan nationwide sa March 22.

AUTHOR PROFILE