Default Thumbnail

Malalim na kahulugan ng titulong Attorney

July 29, 2023 Magi Gunigundo 280 views

Magi GunigundoMAHALAGA ang papel ng mga abogado sa isang sibilisasyon na umiiral ang mga batas na nagmumula sa likas na katwiran (natural law) na pinaliwanag ni Santo Tomas ng Aquinas.

Nangangailangan ng payo ng abogado ang isang tao na hindi bihasa sa mga patakaran ng estado sa kanyang pagtupad sa mga obligasyon isinuong sa kanya ng batas, mga palitan ng pangako na bumubuo ng kontrata, at konsensiya. Ang mahusay na abogado ay naiiwas ang kliyente sa magastos at matagal na asunto. At kung nilapastangan ang karapatan ng tao, ang abogado ang tatayo sa hukuman upang humingi ng hustisya at nang maibsan ang pinsalang natamo ng kliyente. Pagtitiwala ng kliyente, kredibilidad sa mata ng hukuman at pamayanan, at abilidad at husay na maipagtanggol ang karapatan ng kliyente ang kailangan na taglay ng isang abogado. At para sa mga nangangarap maging abogado, mainam malaman kung ano ang kinakailangan upang maging abogado sapagkat ang titulong “attorney” ay malalim ang kahulugan.

Una, kailangan na mahilig sa kasaysayan ang gustong maging abogado. Ayon kay Judge Richard Posner,ang propesyon ng abogasya ay lubhang nakasandal sa kasaysayan ng pinagmulan at pilosopiya na lumikha ng letra at salita na ginamit ng batas. Kung baga sa isang lumalangoy, backstroke ang ginagamit ng propesyon at mga hukuman. Umaabante ngunit sa likod nakatuon ang pansin.Pinaparangalan nito ang tradisyon, naunang pasya, pinagmulan o pinanggalingan ng konsepto, ritwal, kaugalian, sinaunang gawi, teksto at terminolohiya, kaganapan sa gulang, dunong, sinyoriti, at pamununo ng mga taong sinanay na ng maraming karanasan. Ito ay nanghihinala sa inobasyon, pagpapatigil ng nakagawian, pagpihit mula sa luma at pagpapalit nito ng bagong pamamaraan. Ang mga nakatanim na saloobin na ito ay mga hadlang sa sinumang gustong ibaling ang batas sa mas pragmatikong direksyon na dapat ay kasundo ng kasaysayan. Samakatuwid, ang batang banas sa Araling Panlipunan ay hindi dapat mangarap maging abogado.

Ikalawa, ang gustong maging abogado ay kailangan may utak sa pag-aanalisa ng datos, pagtatagni-tagniin ang mga ito, at makapagbuo ng teorya at hinuhang lohikal, at kasabay nito ang pagkakaroon ng mabuting asal.

Para sa pagpasok ng isang kandidato sa Bar, ang Panuntunan ng Korte Suprema ay hindi lamang nagrereseta ng pagsusulit ng akademikong paghahanda ngunit nangangailangan ng kasiya-siyang mga patotoo ng saksi sa mabuting moral na karakter ng nais kumuha ng Bar exam na minsan lang sa isang taon ginaganap. Ang mga pamantayang ito ay hindi inaalis at ibinababa pagkatapos makapasok sa Bar. May panganib na masuspinde o maalis sa Bar kung mapatunayan na lumabag sa Code of Professional Responsibility and Accountability (CPRA)(A.M. No. 22-09-01-SC). Ang mga kilalang abogado tulad nina Raul Gonzales, Homobono Adaza, Bonifacio Alentajan, Lorenzo Gadon, at Rose Beatriz Cruz- Angeles ay humarap sa disiplina ng Korte Suprema.

Hihintayin natin kung ano ang kahihinatnan ni Public Attorney’s Office chief Atty. Persida Rueda-Acosta na pinagpapaliwanag ng Korte Suprema kung bakit hindi siya dapat disiplinahin sa pag-isyu ng PAO Office Order No. 096, Series of 2023 (Office Order), na binibigyan ng “discretion and disposition” ang mga PAO lawyers sa pagsunod sa Canon III, Section 22 ng CPRA ng hindi lalabag sa Artikulo 209 ng Revised Penal Code.

Mahirap abutin ang pangarap maging abogado. Pagkaraan ng apat na taon na kurso sa kolehiyo, apat na taon pa muli upang makakuha ng Juris Doctor sa kolehiyo ng batas upang mapahintulutan kumuha ng Bar exams. Ang kakapal ng librong babasahin.Hindi lahat ng guro sa batas ay marunong ng mga teknik sa pagtuturo sa pilosopiya ng androgogy at nanatiling nakayakap sa istilo ni Prof Charles Kingsfield ng Paper Chase. Kay raming konsepto ng batas ang uunawain hanggang sa kaya na itong ipaliwanag sa sariling mga salita ng estudyante. At bukod pa sa akademikong paghahanda, kailangan din taglay ang mabuting asal bilang kandidato ng Bar exam hanggang sa tuldukan ang buhay sa mundong ito.

Ang pagiging abogado ay isang pribilehiyo na ibinibigay lamang sa mga piniling tao. Napakaraming sakripisyo,gastos, tiyaga at pagtitiis ang pagdaraanan bago maidagdag ang titulong “atty” sa iyong pangalan. At upang mapanatili ang titulong ito hanggang sa huling sandali ng buhay ni attorney, kailangan mamuhay ng matuwid at marangal at magsilbing modelo ng kahinahunan at mabuting asal. Ito ang malalim na kahulugan ng titulong attorney na taglay ng aking ama, lolo, mga pinsan at mga kaibigan sa propesyon na kinabibilangan ko.

AUTHOR PROFILE