Default Thumbnail

Makinaryang ‘di natitinag na ari-arian

September 9, 2022 Magi Gunigundo 564 views

Magi GunigundoKAPAG ang pinag- uusapan ay ‘di natitinag na ari arian’ ,agad pumapasok sa isipan ang lupain, gusali, bahay na yari sa bato, semento at matibay na materyales at iba pang itinayo na permanenteng imprastraktura sa lupa. Ngunit ang mga makinarya, instrumento, kasangkapan at iba pang gamit na likas na natitinag, nabubuhat at nalilipat ng kinalalagyan, ay maaari din maging “di natitinag na ari-arian’ batay sa Article 415 (5) ng Civil Code.

Ayon kay Sen Arturo Tolentino , ang pinakamahalagang pag-uuri ng batas ang ‘natitinag’ at ‘di natitinag na ari-arian’( Art 414 Civil Code). Nakalista sa sampung talata ng Art 415 ang mga halimbawa ng ‘di natitinag na ari-arian’ tulad ng lupa, gusali, kalsada, at iba pang pagpapatayo na nakadikit sa lupa; mga punong kahoy at halaman at mga bunga nito habang hindi pa napipitas; lahat ng nakadikit ng permanente sa di natitinag na ari-arian at di mahihiwalay ng hindi mawawasak ang bagay na pinagdikitan dito; mga istatwa bilang palamuti sa gusali ng may ari ng lupa na nagpapamalas ng intensiyon na manatiling permanente ito ; at mga makinarya na inilagay ng may ari ng lugar para sa industriya na kinakailangan ito. Samakatuwid, ang makinaryang natitinag ay maaari palang maging di natitinag na ari-arian.

Dahil dito, isa sa madalas pagtalunan sa korte ang pangongolekta ng amilyar ng mga LGU sa mga makinarya na gamit sa industriya ng negosyante .

Sa kaso ng Berkenkotter V. Cu Unjieng Y Hijos [ GR No. 41643, Jul 31, 1935 ] 61 Phil. 663 , ipinaliwanag ng Korte Suprema na “kailangan tanungin kung matitigil ba ang industriya kung wala ang makinaryang ito?”. Kung hihinto ang industriya kung wala ang makinarya, bagamat likas na natitinag o nabibitbit na bagay, ituturing ito na di natitinag na bagay at maaaring patawan ng amilyar para sa mga di natitinag na ari- arian kung ang naglagay ng makinarya ay ang may ari ng lupa o gusali. Sa Berkentotter, tinuring na di natitinag na bagay ang mga makina na gamit sa sugar central tulad ng “centrifugal machines, granulators, crusher rollers” at “swing hammer type shredders” sapagkat hindi aandar ang sugar central mill kung wala ang mga makinang ito. Sapagkat ang isang Sugar Central Mill ay permanente, ang mga makina at gamit sa loob nito para sa pagproproseso at paggawa ng asukal ay permanente na rin. Ito ang tinatawag sa batas na konsepto ng “immobilized by destination”.

Hindi lumayo ang Korte Suprema sa kanilang pasya sa SERG’S PRODUCTS INC V PCI LEASING INC. GR # 137705, AUGUST 22,2000 393 Phil. 158. Ang mga makina na pinagtatalunan tulad ng “ fat melting tank, chocolate holding tank, conching machine” ay nilagay ng may ari ng factory para sa paggawa ng tsokolate. Matitigil ang produksyon ng tsokolate kung wala ang mga makinang ito.

Ang mga cash register ,makinilya, computer, delivery trucks, forklifts sa loob ng sugar central at factory ng chocolate ay hindi maituturing na prinsipal na elemento ng industriya sapagkat maaaring magpatuloy ang negosyo kahit wala ang mga gamit na ito. Nananatili sila na natitinag na ari arian at hindi maaaring patawan ng amilyar ng LGU.

Sa Mindanao Bus Company V. City Assessor [ GR No. L-17870, Sep 29, 1962 ] 116 Phil. 501, hindi tinuring na ‘di natitinag na ari arian’ ang mga gamit sa welding at pagkukumpuni ng mga sasakyan pangpasada ng Mindanao Bus Transport sapagkat tatakbo pa rin ang mga bus kahit wala ang mga makinarya na nasa garahe ng kompanya. Maliban pa sa pagiging kailangang kailangan ang makina sa industriya, sinabi rin ng Korte Suprema na dapat ang makinarya ng industriya ay inilagay ng may-ari ng gusali o permanente sa lupa. Ang dalawang elementong ito na bumubuo ng konsepto ng “immobilized by destination” ay wala sa kaso ng Mindanao Bus Co.

Mainam maunawaan ito ng mga negosyante upang di sila mapilitan magbayad ng amilyar sa mga LGU na naghahanap ng pondo pangtustos sa mga serbisyo ng lokal na pamahalaan. Sa mga panahong ito, dapat sulitin ang bawat piso sa bulsa ng pribadong sektor na siyang pinagmumulan ng buwis.

AUTHOR PROFILE