Tiklo TIKLO – Natimbog ng mga operatiba ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT) ang suspek sa entrapment sa fast-food chain sa Paco, Maynila. Kuha ni JON-JON REYES

MAG-ISIP BAGO MAG-KLIK

February 16, 2024 Jonjon Reyes 307 views

Friend request tinanggap ng menor, nauwi sa sex request; suspek huli

PINAYUHAN ng mga pulis ang lahat, lalo na ang mga millennials at Gen Z, na huwag basta-basta mag-click sa friend request at dapat i-background check muna ito dahil isa na namang menor de edad ang muntik malaglag sa kamay ng isang alleged sextortionist sa Maynila.

Timbog noong Linggo ang lalaki sa mga operatiba ng Manila District Anti-Cybercrime Team (MDACT) matapos ireklamo ng ate ng biktima na nagyayayang makipagtalik sa kanyang kapatid ang suspek.

Nakilala ang suspek na si alyas Denz, edad 45-anyos at residente ng Sipac-Almacen sa Navotas City.

Sa ulat ni Police Captain Marlon Flores, ang team lider ng MDACT, bandang alas-5:58 ng hapon nang maaresto sa entrapment ang suspek sa isang fast-food chain sa Paco, Maynila.

Nag-ugat ang pagaresto sa suspek sa reklamo ng nakatatandang kapatid ng isang menor de edad na nakatanggap ng friend request noong Pebrero 5, 2024, mula sa Facebook account na may profile name na Denz Gonzales na may URL https://www.facebook.com/profile.php?id=100080958135458.

Tinanggap ng biktima ang friend request at sa kalaunan ay nagkaroon na sila ng mga pag-uusap o palitan ng mensahe.

Inakit ng suspek ang biktima sa pamamagitan ng pag-alok ng pera at gadgets para makuha ang loob ng menor de edad kapalit ng sexual favors o pananamantala.

Bilang kapalit ng mga inaalok ng suspek, nagpadala ng nude photos ang biktima noong Pebrero 11.

Nakarating ito sa kaalaman ng nakatatandang kapatid na babae ng biktima at ini-report niya sa mga pulis.

Pinayuhan ng mga awtoridad ang kapatid ng biktima na patuloy na makipag-ugnayan pa rin sa suspek sa pamamagitan ng social media account, habang humihirit pa na makipagkita sa nasabing lugar para sa pakikipagtalik kapalit ng pera at gadget.

Nang matimbog, nakumpiska sa suspek ang isang cellphone at identification card na nakapangalan sa kanya.

Nahaharap sa mga kasong grave coercion at paglabag sa Cybercrime Prevention Act ang suspek.

AUTHOR PROFILE