Mag-ingat sa mga may hawak ng Bibliya
BAGAMAT tapos na, pinagdiwang sa buong buwan ng Enero 2023 ang National Bible Month na may temang “The Word leads to the Way, the Truth, and the Life “ na hinango sa Juan 14:6 at Isaias 61:1-4.
Malaki at malawak ang papel at impluwensya ng Bibliya sa kasaysayan ng tao. Ayon sa Enero 2020 na tala ng All Top Everything.com , ang Bibliya ang numero unong “best-selling book of all time” na mayroon 5 Bilyon kopya naibenta (kinumpirma rin ito ng Guiness Book of World records). Malabong malampasan pa ito ng iba pang mabentang aklat tulad ng “ Quotations from Chairman Mao Tse Tung “ na kilala rin na “The Little Red Book”(1.1 Bilyon kopya), ang Quran (800 milyon kopya) , “The Lord of the Rings” ni J.R.R. Tolkien(155 milyon kopya), at “The Little Prince” ni Antoine de Saint-Exupery ( 140 milyon kopya).
Ang Bibliya rin ang numero unong aklat na naisalin na sa 3,350 mga kilalang wika . Kay layo ng pumangalawang “The Little Prince” -na sinalin sa 380 wika( translateday.com).
Para sa mga Protestante, sinusunod ang “sola scriptura “ ni Martin Luther- ang tanging gabay sa pagsamba sa Diyos ay nagmumula sa Bibliya na tinatanggap nilang dalisay na salita ng Diyos. Para sa mga Katoliko, maliban pa sa Bibliya, ang mga dogma mula sa Papa ay magagamit rin gabay sa pagsamba sa Diyos.
Nakakalungkot nga lamang na ang Bibliya ay ginagamit sa kabutihan at sa kasamaan ng tao. Maraming magandang aral ang laman Bibliya sa pangkalahatan kung ikakahon sa tamang konteksto. Subalit kung ang mga talata ay pinaghihiwalay at walang pakundangan sa tamang konteksto, magagamit ang mga salita ng Diyos para bigyan katwiran ang kabuktutan, kawalanghiyaan at pang-aabuso sa kapwa na taliwas sa bilin ng Diyos na mahalin ang kapwa, maging ang kaaway. May mga talatang sinulat si Pablo na ginagamit upang bigyan katwiran ang “misogyny”, “slavery”, at “corruption and abuse of oppressive governments’’ na pahintulot ng Diyos.
Ang mga puting amo, bago latiguhin ang kapwa taong inalipin na tinuturing niyang ari-arian tulad ng kanyang mga kabayo at baka, ay pinapangaral ang salita ng Diyos sa mga alipin niya at nagbabanggit pa ng mga talata sa Bibliya upang bigyan katwiran ang kalupitan: si Abraham ay nagmamay-ari ng mga alipin (Genesis 21:9-10) ; si Canaan, anak ni Ham na bunsong anak ni Noah , ay ginawang alipin ng kanyang mga kapatid (Genesis 9:24-27) ; si Jose ay ibinenta ng kanyang mga kapatid na maging alipin ( Genesis 37:25-28) ; kahit mga alipin ay dapat igalang ang araw ng pamamahinga (Exodus 20:10,17) ; inutos ni Pablo na sundin ng alipin ang amo (Epeso 6:5-8) at pinabalik pa niya ang isang alipin tumakas sa kanyang amo (Philemon 12). Walang talata sa Bibliya na kinondena ang sistema ng pagkakaroon ng alipin sa lipunan.
Kung susundin si Pablo, ang mga kababaihan ay hindi dapat mamuno ng simbahan at hindi dapat bigyan ng karapatan na bumoto dahil dapat silang sumunod sa kanilang mga asawa at, kung dalaga, sa ama (Epeso 5:22).
Mateo 16:18-19 ang ginamit nila Papa Nicolas V at Papa Alexander VI sa kanilang mga Papal Bull na nag-utos sa mga hari sa Europa noon 16th siglo, sa ilalim ng doktrina ng pagtuklas o “discovery” na kamkamin ang mga terra nullius ( lupain walang may-ari) kung ang mga naninirahan doon ay mga pagano at mga muslim. Ito ang dahilan kaya nakarating si Magellan sa Mactan at kinamkam ang Pilipinas para sa kanyang Haring Felipe na kailanman ay hindi tumuntong sa Las Islas Filipinas.
Ginamit ang Mateo 28:19 ng mga dayuhan puti sa pagkamkam ng mga lupain na pinamamahayan ng mga Native Indian Americans sa ilalim ng “manifest destiny” ng mga puting “kristiyano”. Ang Bibliya rin ang ginamit nila Jim Jones at David Koresh na nagtayo ng mga kulto at humantong sa mass suicide ng kanilang mga taga-sunod.
Mag-ingat sa mga may hawak ng Bibliya. Sa tamang mga kamay, nagdudulot ito ng pagbabago ng puso at isip para makamit ang tunay na kaligayahan na hatid ng kapayapaan ng Diyos. Subalit kung ang may hawak ng Bibliya ay mga lobong nagbabalatkayong pastol na tiyak na masama ang layunin, pipilipitin at babaluktutin ang pinagpira-pirasong mga talata na magkakaiba ang konteksto para umakma sa kanyang pagpapaikot sa mga tupang taimtim na nakikinig sa kanya.