Default Thumbnail

Mag-ingat sa kulto

October 7, 2023 Magi Gunigundo 284 views

Magi GunigundoITINURO ni Dr. Janja Lalich, internasyonal na eksperto sa mga kulto, na ang anumang organisasyon ay maaaring maging isang kulto. Bukod sa mga organisasyong relihiyoso at kilusang pulitikal, ang isang yoga camp, karate club, dog training camp, at multi-level marketing scheme ay puedeng maging kulto.

Mag-ingat sa kulto dahil pinagsasamantalahan nito ang mga miyembro sa paraang sekswal, pinansyal, at emosyonal.

Ayon kay Lalich, ang isang kulto ay isang saradong sosyal na sistema na may apat na pangunahing katangian: 1. Isang matikas at karismatikong lider; 2. isang transendente na sistema ng paniniwala; 3. isang sistema ng kontrol at 4. impluwensya.

Kadalasan, ang pinuno ng kulto ay isang demonyong narsisistiko na may halong sikopatiko, Machiavellianismo at sadismo. Mas mapang-abuso, malupit at nakakapinsala siya kaysa sa pangkaraniwang narsisistiko. Kailangan niya ang katapatan at lubos na pagsunod sa kanyang mga utos. Ang pagsuway dito ay may parusa. Bawal tanungin kung saan napupunta ang pera ng kulto o magbigay ng ibang pananaw na salungat sa kanyang paniniwala. Utang na loob at pribiliheyo ng miyembro na makapiling siya dahil sa kanyang pagka-Diyos o kataasan ng uri. Siya ay tamad na walang ginagawa maliban sa magbigay ng mga utos.

Ang transendente na sistema ng paniniwala ng kulto ay karaniwang nagbibigay ng sagot sa lahat: nakaraan, kasalukuyan at hinaharap. Ang pilosopiya nito ay utilitarian, ang wakas ay nagbibigay-katwiran sa mga paraan. Dahil dito, maaaring hilingin sa isang miyembro na gawin ang anumang bagay para mapaglingkuran ang pinuno o mga layunin ng kulto.
Ito ay naglalagay ng mga tao sa isang maselan na sitwasyon dahil karamihan ng pumapasok sa kulto, maliban kung sila ay ipinanganak dito, ay may sariling moralidad na kailangan nilang hubarin para maisuot ang imoralidad ng pinuno upang makasunod sa utos nito.

Ang sistema ng kontrol ay lantad na mga alituntunin na dapat sundin at isabuhay tulad ng pagkakaroon ng bagong pangalan at ang pagpili kung sino ang mapapangasawa na ipinaubaya sa pinuno. Ang sistema ng impluwensya ay hindi halata. Ang mga ito ay sikolohikal na mga diskarte na minamanipula ang emosyon ng miyembro. Ang emosyon ng pag-ibig, galit, takot, at hiya na batay sa mga lihim na isiniwalat ng tao sa organisasyon bilang bahagi ng proseso ng pagpasok sa kulto ay gagamitin mismo laban sa tao. Ang mga sistema ng kontrol at impluwensya ang bumubuo ng indoktrinasyon na winawasak ang tiwala sa sarili at pagkakakilanlan upang makapagtayo ng bagong tao batay sa mgaprinsipyo at paniniwala ng kulto.

Pinupuntirya ng mga kulto ang mga taong may pera, o tutulong na makalikom ng pera, mag-hikayat ng mga may talento para magmukhang lehitimo ang kulto, magpatakbo ng mga negosyo at panloob na organisasyon ng kulto. Ayon kay Dr. Lalich, ang mga taong sumasali sa mga kulto ay may iisang denominator –ideyalismo. Sila ay mga taong nagnanais ng mas mabuting mundo, sarili, pamilya, espirituwal o paniniwalang pampulitika. Pinaulanan sila ng “love bombs”, pambobola na ginagawang espesyal ang isang tao. Tinatanggihan ng kulto ang taong mahina, marupok, bobo, kakaiba, baliw o tamad dahil ang mga pantukoy na ito ay para lang sa pinuno ng kulto. Imbes na alagaan ng kulto ang mga miyembro, sa halip, ang miyembro ang binubusabos ng kulto.

Si Dr. Lalich, na nakaligtas sa kulto, ay nagbahagi ng metaporang isang istante sa likod ng kanyang isipan kung saan idineposito niya ang lahat ng negatibong karanasan sa pagtatrabaho ng 20 oras sa isang araw sa loob ng apat at kalahating taon sa isang organisasyong pulitikal na kanyang sinalihan. Nasira ang istante nang hindi siya pinayagang dumalo sa libing ng kanyang ina. Nang tanungin kung bakit nagtagal bago siya nagpasyang umalis, ipinaliwanag ni Lalich na mayroon siyang “bounded choice” na nagpakipot sa lapad ng kanyang mga pagpipilian. Ang pag-alis ay nangangahulugan ng kawalan ng katiyakan sa hinaharap dahil wala siyang sariling pera, pangamba na patayin bilang parusa ng kulto, at pagtataboy mula sa mga kaibigan at kasamahan na iiwan niya sakulto, at ang kahihiyan sa pagsali sa isang kulto.

Inireseta ni Dr. Lalich sa bawat survivor ng kulto ang isang”psycho education,” paglalantad ng mga pagmamanipula ng kulto sa kanya sa kabila ng magandang motibo sa pagsali. Kung hindi, ang isang nakaligtas sa kulto ay maaaring mahigop muli sa ibang kulto.

Pinayuhan din ni Dr. Lalich ang mga miyembro ng pamilya o mga kaibigan ng isang taong hinihimok ng isang kulto na huwag komprontahin bagkus kilalanin na ang mahal sa buhay ay nagdaraan sa isang bagay na kumikiliti ng kanyang ideyalismo kahit na ito ay nakakapinsala o maaaring humantong sa pinsala. Ipaalala ang mga nakalipas na masayang tagpo at anyayahan ang tao sa aktibidad na ito sa pag-asang mabuhay ang kanyang pagkatao na pinapaslang ng kulto.

AUTHOR PROFILE