Default Thumbnail

Mag-ama tiklo sa pamamaril sa Calatagan

July 17, 2023 Jojo C. Magsombol 334 views

KAMPO HENERAL MIGUEL MALVAR, Batangas – Nasakote ng mga pulis Batangas ang mag-amang suspek sa pamamaril sa isang lalake habang nasa loob ng kanyang bahay sa Bgy. Lanatan, Calatagan, Batangas, Sabado ng hapon.

Ayon sa report ni Batangas Police Provincial Director Col. Samson Belgica Belmonte kay Police Regional Office Calabarzon (Cavite/Laguna/Batangas/Rizal/Quezon) Director Police Brigadier General Carlito M. Gaces, nasa kritikal pa ring kondisyon sa Calatagan Medicare Hospital ang biktima na nagtamo ng mga tama ng bala sa tiyan, dibdib at braso.

May-asawa ang bikitma at walang trabaho, ayon sa pulis.

Nakilala ang mga suspek isang 54-anyos na magsasaka at anak niyang 30-anyos, binata.

Lumalabas sa imbestigasyon ng pulisya na bandang alas-2:30 ng hapon noong Hulyo 15, 2023 nang bigla na lang binaril ang biktima ng ilang beses ng mag-ama habang nasa kusina ng kanyang bahay.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang pamamaril at iniwan ang biktimang duguan.

Mabilis namang nag-responde ang mga pulis kaya natunton ang kinaroroonan ng mga suspek bandang 5:40 ng hapon ng araw ring iyon.

Nahuli ang mag-ama at narekober sa kanila ang isang baril na pinaghihinalaang ginamit sa pamamaril at isang motorsiklo na ginamit bilang getaway vehicle.

Isinumite na sa Batangas Provincial Forensic Unit for Ballistic Examination ang narekober na baril habang inihahanda ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong frustrated murder laban sa mga naarestong suspek.

AUTHOR PROFILE