Mabilis na tren, mabilis na asenso
TAGAPAGSULONG ang inyong lingkod ng modern train system dahil batid at saksi ko ang magandang idinudulot nito sa isang bansa.
Kaya naman welcome sa corner na ito ang balita na may makabagong sistema ng rail transportation na binubuo ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos Jr. sa pangunguna ni Transportation Secretary Jaime Bautista.
Ito ang tinatawag na North South Commuter Railway(NSCR), isang linya ng mga mabibilis na tren na magkokonekta sa Calamba City at New Clark City.
Ang linya ay may kabuuang haba na 147 kilometro. Magkakaroon ito ng special service na ang tawag ay “Airport Express” – mga high-speed trains na derecho papuntang Clark International Airport. Inaasahang babawasan ng mga ito nang kalahati ang oras ng biyahe papunta ng paliparan sa Clark.
Ang NSCR ay inuumpisahan pa lang. Inaasahang sa 2028 pa ito matatapos. Pero, ngayon pa lang, matindi na ang excitement ng mga kababayan natin. Dapat lang. Ang ganitong klase ng proyekto ay nagbibigay pag-asa – lalo na sa mga mamamayang maraming dekada nang nagtitiis sa matinding trapiko.
Matagal nang binabalak ang pagkakaroon ng mabibilis na tren na magseserbisyo sa rutang Clark sa Tarlac hanggang Calamba sa Laguna.
Sa katunayan, ilang administrasyon na ang gumawa ng mga pag-aaral at naghagilap ng pondo para matupad ang pangarap na ito. “Northrail” project ang tawag dati dito.
Pero, bigo ang mga nagdaang administrasyon.
Buti na lang, nakahanap ng bagong pagmumulan ng pondo ang proyekto. Salamat sa Japan International Cooperation Agency at Asian Development Bank. Sa ngayon, mukhang tuloy-tuloy na ang NSCR.
May mga pinasinayaan nang opisina at istraktura si Department of Transportation Undersecretary for Railways, Jeremy Regino. Kamakailan, nagkaroon ng pagbabasbas ng opisina ng proyekto sa bandang Calamba.
Nag-umpisa na ding magbaon ng mga pundasyon ng NSCR sa Cabuyao. Ito ay palatandaan na hindi na muling mauudlot pa ang prokeytong ito.
Malaking bagay para sa ating bansa ang mabibilis na tren katulad ng NSCR. Batay sa karanasan ng mga bansa sa Asya gaya ng Japan, Singapore, Hongkong at Taiwan, malaki ang ambag ng mabibilis na tren sa mabilis na asenso.
Simple lang ang dahilan — mas produktibo ang mga mamamayan kung madali silang nakararating sa dapat nilang puntahan.
Sa mga nabanggit na bansa, napakaayos ng sistema ng kanilang mga tren. Maraming pag-aaral ang nagpatunay na malaki ang kinalaman ng mga maayos na sistema ng rail transportation sa kaunlaran ng kabuhayan ng mga bansa.
Ang NSCR na marahil ang hinihintay nating tugon sa ating problema sa trapik at kabuhayan.
Malaki ang magagawa nito para sa mga mamamayan ng Metro Manila at mga karatig na rehiyon nito. Importante ito dahil ang mga naturang lugar na daraanan ng NSCR ay ang mga sentro ng economic activities ng bansa. Kasama na dito ang Makati, Taguig, Ortigas, Quezon City, at ang mga pangunahing lungsod ng Timog at Gitnang Luzon.
Kapag mabilis ang daloy ng tao, mabilis din ang daloy ng negosyo. Higit sa malamang, ang NSCR na nga ang hinihintay nating tugon.
Isa na lang ang posibleng humadlang sa tuluyang katuparan nito–ang malaking sakit ng ulo ng DOTr mula sa mga informal settlers na umusbong sa gilid ng mga riles na daraanan ng ruta ng NSCR.
Dati nang natugunan ito ni former Housing Czar at vice president Noli De Castro nang matagumpay niyang maipatupad ang relocation ng mga informal families na nakatira sa gilid ng riles bilang paghahanda sa naudlot na Northrail project.
Malamang na nagsibalikan ang mga naturang pamilya sa dati nilang tahanan sa tinagal ng panahon ng paghihintay sa nabulilyasong proyekto. Posible rin na mga bagong informal settlers na ang nakatira sa gilid ng mga riles.
Sa kabila nito, malinaw ang mga naging pahayag ni Regino na may mga maayos na resettlement areas at facilities ang inihanda na ng pamahalaan. Dito ililipat ang mga pamilyang nakatira sa mga “home along da riles”.
Kailangan silang ilipat dahil lalaparan ang mga riles at para mailigtas sila sa mga panganib sa panahon ng konstruksyon ng NSCR.
Sana naman ay makiisa ang mga kababayan nating nakatira sa gilid ng riles sa pangarap ng mga Pilipinong magkaroon ng mga moderno at mabibilis na tren.
Kung mabilis ang tren, bibilis ang asenso. At sa mabilis na asenso, lahat panalo.
**
For comments, please call or text 09569012811 or email [email protected]