Default Thumbnail

Lusot na, timbog pa!

July 12, 2023 Vic Reyes 258 views

Vic ReyesMAILUSOT man sa ports of entry ang mga produktong hindi binayaran ng buwis ay puwede pang habulin ng mga operatiba ng Bureau of Customs (BOC) ang mga ito.

Pagbabayarin ang mga ito ng kaukulang buwis o pwede rin kumpiskahin.

Noon ngang nakaraang Hulyo 4, US-Philippine Friendship Day, ay sinalakay ng intelligence operatives ng BOC ang showroom ng isang car dealer sa Pasig City.

Nakita sa showroom ang may 87 luxury motor vehicles na mayroon daw questionable documents na nagkakahalaga ng mahigit na P600 milyon, ayon sa ahensiya.

Kabilang sa mga mamamahaling sasakyan ay Lexus, Mercedes Benz, Porsche Macan, Jaguar, FMC Savana, McLaren, Ferrari, Lamborghini. Audi at Land Rover.

Sinalakay ng mga ahente ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang showroom sa bisa ng isang Letter of Authority na pirmado ni BOC chief Bienvenido Y. Rubio.

Ang car dealer ay kilalang nagbebenta ng mga exotic at hyper car, ayon pa sa pahayag ng ahensya.

Sinabi ni CIIS Director Verne Enciso na ang raid ay bunga ng intelligence operation na binuo at isinagawa ng CIIS-IG Division sa pamumuno ni Depcom Juvymax Uy.

Ayon kay Depcom Uy, sinunod ng mga operatiba ang mga kaukulang procedure sa pagpapatupad ng letter of authority na pinirmahan ni Commissioner Bien Rubio.

‘Yan ang maliwanag na kaso ng “lusot na, timbog pa.”

hehehe….

Congrats Depcom Juvymax , Director Bernie at sa buong grupo ng BOC-CIIS.

****

Malayo pa ang Mayo 2025 nasyonal at lokal na halalan pero may mga naglalabasang pangalan na ng mga posibleng kakandidato sa pagka-senador.

May mga survey pa nga na nagsasabi kung sinu-sino ang mga posibleng manalong 12 senators sa paparating na eleksyon.

Talagang election-crazy ang mga Pilipino. Katatapos pa nga lang ng 2022 elections ay sige pa rin ang patutsadahan ng mga panatikong taga-sunod ng mga lokal na politiko.

Kailangan nilang gawin ito para may dahilan silang humingi ng “ayuda” sa kani-kanilang mga “amo.”

Sa totoo lang, ito ang dahilan kung bakit walang pagkakaisa sa ating bansa.

Ang walang katapusang pamumulitika ay siyang pangunahing dahilan kung bakit tayo napag-iiwanan ng mga kalapit nating bansa, kagaya ng Malaysia, Singapore, Thailand at Vietnam.

Kaysa magtulungan para mapabilis ang pag-unlad ng bansa ay batuhan ng putik ang inaatupag, lalo na sa mga kanayunan.

Parang hindi kumpleto ang kanilang araw kung walang patutsadahan.

Dapat pakinggan ng ating mga local leaders ang paulit-ulit na panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa lahat.

Ang palagi niyang ipinapanawagan ay pagkakaisa at pagtutulungan dahil sa dami nating problema, pagkatapos ng mahigit na dalawang taong COVID-19 pandemic.

Makinig naman kayo!

****

Siguro hindi na napagkakatulog ang mga lingkod-bayan na may kinalaman sa water supply sa Metro Manila at mga karatig-pook.

Baka kasi lalong lumala ang problema natin sa water supply dahil sa pagpasok ng tinatawag na El Nino phenomenon.

Kapag bumaba pa ang level ng tubig sa Angat Dam sa Norzagaray, Bulacan ay talagang malaking problema dahil magkakaroon na ng mas mahabang water interruption sa lugar.

Iba ang walang tubig na mainom at magamit na pampaligo at panlinis sa mga gamit sa kusina.

Okay lang sa mga mayayaman dahil may mga pera ‘yan. Pero paano naman ang mga mahihirap na bumubuo ng majority ng ating populasyon?

Sakit ng ulo ng mga otoridad ‘yan. Tatagal pa naman ang El Nino phenomenon hanggang sa mga unang buwan ng susunod na taon, ayon sa weatherbureau.

Dapat ang mga local government unit na ang manguna sa gagawing pagtulong sa mga mawawalan ng inuming tubig.

Tama ba kami, Secretary Benhur Abalos ng Department of the Interior and Local Government?

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #09178624484. ilagay lang ang inyong pangalan.)

AUTHOR PROFILE