Default Thumbnail

Lumobong bangkay ng lalaki iniluwa ng basura sa Tullahan

June 9, 2023 Edd Reyes 191 views

TAKOT ang nangibabaw sa 54-anyos na lalaking nangunguha ng mapapakinabangan sa Tullahan River nang iluwa sa bunton ng basura ang hindi na makilalang bangkay ng lalaki Huwebes ng umaga sa Malabon City.

Sa labis na pagkabigla, muntik ng tumaob ang sinasakyang improvised styrofoam boat ng isang mangangalakal, residente ng Barangay Maysilo, na ginagamit niya sa pangunguha ng mga mapapakinabangan sa bunton ng basura sa naturang ilog.

Sa ulat na tinanggap ni Malabon police chief P/Col. Amante Daro mula kina P/SSgt. Rockymar Binayug at P/SSgt. Diego Ngippol, may hawak ng kaso, nakarating sa pulisya ang insidente dakong alas-12 na ng tanghali matapos maglakas-loob na itulak ng nakakita sa bangkay malapit sa pampang ng ilog bago niya naipabatid ang natuklasan sa kinauukulang barangay.

Wala isa man sa naturang lugar ang makakakilala sa biktima na nakasuot ng itim na sando at itim na short pants, tinatayang 30 hanggang 40-taong gulang at may taas na 5’5 bunga na rin ng paglobo ng buong katawan at mukha nito.

Sa unang pagsusuri ng mga tauhan ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na pinangunahan ni P/Maj. Sonny Boy Tepace, walang nakitang anumang palatandaan ng pagkakaroon ng sugat sa bahagi ng katawan ang biktima kaya’t may posibilidad nalunod diumano ang ikinamatay ng lalaki.

Nakatakdang isailalim sa autopsy examination ang bangkay ng biktima upang alamin ang tunay na sanhi ng kanyang pagkamatay habang inaalam na rin ang kanyang pagkakakilanlan.

AUTHOR PROFILE