Default Thumbnail

COVID-19 bivalent vax posibleng simulan sa Maynila

June 9, 2023 Edd Reyes 164 views

MALAKI ang posibilidad na magsimula na ang Lungsod na Maynila sa libreng pagbabakuna ng COVID-19 bivalent vaccine makaraang ipamahagi na ang naturang bakuna sa lahat ng mga lungsod sa buong bansa.

Ito ang ipinahayag ni Mayor Honey Lacuna-Pangan sa kanyang programang “The Capital Report” na napanood ng live sa opisyal na Facebook account ng Manila Public Information Office (MPIO) Huwebes ng hapon.

“Hopefully, next week ay ma-roll out na po natin itong COVID-19 Pfizer bivalent vaccine, so abangan po ninyo,” pahayag ni Mayor Lacuna-Pangan.

Nilinaw naman ng alkalde na tanging mga medical frontliners, mga health workers, at mga senior citizen pa lamang ang puwedeng magpaturok ng COVID-19 bivalent vaccine.

“Siyempre, habang nagtatagal at mayroon na tayong supply, sunod-sunod na po iyan, susunod na po yung mga may immune compromise, yung me mga comorbidities, pero sa ngayon po yung unang supply ng ating bivalent vaccine ay para lang po sa ating mga health workers at senior citizens,” pahayag pa ni Mayor Honey.

Paalala pa ng alkalde, tanging ang mga nakakumpleto lamang ng kanilang first at second dose at ng first at second booster shots ng COVID-19 vaccine ang kuwalipikadong tumanggap ng bivalent vaccine.

Binanggit din niya na kung ang mga kuwalipikadong magpabakuna ng Pfizer bivalent vaccine ay tumanggap ng kahit anong bakuna, dapat ay magpalipas muna sila ng apat hanggang anim na buwan bago muling magpaturok ng bivalent vaccine.

Hindi rin aniya puwedeng tumanggap ng naturang bakuna ang mga kuwalipikadong may lagnat, nakakaranas sakit ng ulo, pangangati ng lalamunan, nanghihinang pangangatawan, nakakaramdam ng hirap sa paghinga at iba pang sintomas ng pagkakaroon ng COVID-19 infections.

Maging ang mga buntis at nagpapasusong health workers ay hindi rin aniya puwedeng magpabakuna maliban na lamang kung papayagan ng kanyang attending physician at magpapakita ng medical clearance.

“Kapag magpapabakuna kayo, dapat po ay dala ninyo yung inyong vaccine record, yung may QR code, kasi titingnan ulit yan at ilalagay sa rekord niyo na nagpabakuna na kayo ulit,” paalala pa ng alkalde.

AUTHOR PROFILE