Dizon Nakiusap si MPD chief PBGen. Andre P. Dizon sa mga demonstrador na sundin ang napag-usapang oras at lugar na pagdadausan ng kilos-protesta sabay pinaalalahanan na may umiiral na ‘No Permit, No Rally’ sa Lungsod ng Maynila maging sa mismong ‘Araw ng Kalayaan’ sa Hunyo 12. Kuha ni JON-JON REYES

Higit 1K pulis-Maynila handa na sa ‘Araw ng Kalayaan’

June 9, 2023 Jonjon Reyes 206 views

MAHIGIT sa 1,363 na pulis-Maynila ang ikakalat sa paligid ng Pambansang Parke ng Pilipinas o kilala sa pangalang Luneta ang siyang magbabantay at nakahanda na sa pagdiriwang ng ika-125 “Araw ng Kalayaan.”

Bilang paggunita sa gaganaping anibersaryo ng kasarinlan ng bansa sa Hunyo 12, 2023, ang mga kapulisan ng Manila Police District (MPD) ay magsasagawa ng patrolling operation at magmamasid habang idinaraos ang nasabing pagdiriwang.

Ayon sa ulat ni Police Major Philipp Ines, ng MPD Public Information Office (PIO), kabi-kabila ang mga aktibidad sa Lungsod ng Maynila sa Lunes, Hunyo 12 makaraang ianunsyo ni “The Game Changer General” MPD Director Police Brigadier General Andre Perez Dizon.

Kasama rito ang nakalatag na mga aktibidad para sa “Independence Day” at gaganapin ang programa sa Rizal Park at Quirino Grandstand, na posibleng puntahan ng matataas na opisyal ng pamahalaan sa pangunguna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. (PBBM).

Gayunman, inaasahan na rin ng MPD na dadagsa ang mga grupo na magsasagawa ng kilos-protesta sa iba’t-ibang lugar sa nasabing lungsod.

Ayon kay Dizon, ang nasabing bilang ng mga pulis ay ipapakalat sa lungsod upang matiyak ang seguridad, katahimikan, kapayapaan at kaligtasan ng mga makikibahagi sa selebrasyon.

Partikular na babantayan ng mga kapulisan ang mga lugar kung saan may mga aktibidad at dadagsain ng mga tao.

Pakiusap naman ng heneral sa mga grupo na magsasagawa ng kilos-protesta sa “Araw ng Kalayaan” na sumunod sa napag-usapang oras at lugar patungkol sa kanilang gagawing rally at iwasan maging sagabal sa mga motorista at publiko.

Dagdag pa ni Dizon, huwag ding mag-vandalize sa iba’t-ibang istruktura, pampubliko man o pampribado sa Lungsod ng Maynila.

AUTHOR PROFILE