Joey Papa

Lumalaban na ang mga mangingisdang Pinoy

February 25, 2024 Joey C. Papa 67 views

KUNG minsan ay naaawa ako sa mga kababayan nating mangingisdang Pilipino sa kanilang kalagayan sa mga karagatang pilit na inaangkin ng mga dayuhang Tsino.

Lagi silang hinarangan sa kanilang pagpunta sa kanilang kinalakhan at kinikilalang pangisdaan mula pa sa mga ninuno nilang mangingisda.

Hinaharangan sila ng mga barkong Tsino at maging ng mga mangingisdang Tsino!

Kung tutuusin ay kapuwa nila mangingisda ang mga ito nagkataon lang ng sila’y mga Tsino o mangingisda nga kaya, o bahagi sila ng militia ng mga Tsino.

Madalas ko na ring mapanood sa ulat ng media ang mga militiang Tsino na kasama sa pagpapalibot sa West Philippine Sea na tila isang barikada.

Maging ang People’s Liberation Army o PLA ay nakilahok na rin nga sa panduduro ( bullying) sa ating mga mangingisda at maging sa mga barko ng Philippine Coast Guard.

Dati ko pa naming hinangaan ang PLA marahil ay dahil lang sa tunog ng pangalan nito- liberation.

Liberation pero sila ngayon itong nananakop ng bahagi ng ating karagatan.

Nitong nakaraang linggo lamang, naiulat na pinakalatan nila ng lasong cyanide ang malaking bahagi ng Bajo se Masinloc na kilalang pinangingisdaan ng mga mangingisdang Pinoy. Sobrang kahayupan na ito!

Kinukuha na nga ang bahagi ng West Philippine Sea, nilalason pa!

Nasira na rin ang mga coral reefs!

Tila wala silang respeto sa lahat nang may buhay sa karagatan.

Kikitil na rin kaya sila ng buhay upang maghatid lamang ng mensaheng seryoso sila?

Kung magkakagayon, sa palagay ko’y kalmado nating dapat harapin ang ganoong anumang mangyari.

Puwede rin naman tayong magpakita na seryoso rin tayo.

‘Yan ay kung ako ang namumuno ng pamahalaan ngunit hindi naman nga ako.

Hindi rin naman ako marunong makipagbolahan.

Hindi rin ako marunong makipagpatintero.

Hindi rin ako “higop” o “sipsip-buto.”

May takot din naman akong nararamdaman sa mga partikular na sitwasyon ngunit may hangganan din ito lalo na kung apektado ang mga mahal ko sa buhay at mahal kong bayan na nasubukan ko nang ipaglaban hanggang sa masakprisyo ang aking kaligtasan at pamilya.

Mahirap ipaglaban ang karapatan sa kalayaan laban sa mga taong ni minsan ay hindi kinilala ito. Para sa kanila, ang mahalaga ay ang pansariling interes lamang.

Ganyan ang Tsina ngayon, pansariing interes muna bago ang kapwa tao at bayan. Hindi na sila tulad noong dati ilang dekada na ang nakararaan. Malayong malayo na ang kanilang pananaw sa  mga maliliit na bansa.

Malayo na ang Tsina sa dating mapagkaibigan at minamahal ang kalayaan ng isang bansa.

Ngunit natuto na rin ang mga mangingisdang Pilipino. Kung noon ay naduduro sila dahil malaking bansa ‘umano ang Tsina, hindi na ngayon.

Lumalaban na ang mga mangingisdang Pilipino.

AUTHOR PROFILE