Mendoza LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II

LTO sa dealers, ahente: I-release plaka, OR/CR sa oras or else

June 16, 2024 Jun I. Legaspi 95 views

NAGBABALA ang Land Transportation Office (LTO) sa mga ahente at dealer ng kotse at motorsiklo na may katapat na parusa kung hindi nila ire-release ang mga plaka at official receipt at certificate of registration (OR/CR) sa tamang oras.

Sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na maraming agents at dealer ng sasakyan na patuloy na lumalabag sa patakaran ng LTO na mag-release ng mga plaka at OR/CR sa tamang oras.

“We already have an initial list of the agents and their dealerships that were recommended for sanctions, including fines and suspension of accreditation,” ani Mendoza.

Suportado ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang aksyon ng LTO na parusahan ang mga pasaway na ahente at dealer ng kotse at motorsiklo ng utusan ng Pangulo ang Department of Transportation (DOTr) na tugunan ang backlog sa mga plaka at iba pang dokumento ng LTO sa tamang oras.

Sa isang memorandum na inilabas sa DOTr, binigyang-diin ng Malacañang na lahat ng dealer ng sasakyan dapat sumunod sa itinakdang processing timelines ng LTO para sa pag-release ng mga plaka ng sasakyan.

Kasama sa memorandum ang pagpataw ng “mga karampatang parusa, tulad ng termination ng dealership sa mga dealer na hindi susunod.”

Batay sa datos ng LTO, hindi bababa sa 28 ahente mula sa iba’t-ibang motorcycle at car dealership ang may record ng hindi pagre-release ng mga dokumento ng sasakyan in time.

Ang mga parusa nagkakahalaga ng P20,000 hanggang P500,000 at isang buwan hanggang anim na buwan ng suspensyon ng akreditasyon.

“Let this serve as a strong message to all agents and dealerships to do their part, their obligation to their clients.

Kasama sa trabaho ninyo tiyakin na sumusunod kayo sa regulasyon ng LTO patungkol sa release ng plaka at OR/CR on time,” ani Assec Mendoza.

Hinikayat din ni Mendoza ang mga may-ari ng bagong biling sasakyan na agad i-report sa LTO ang mga pasaway na ahente at dealer ng kotse at motorsiklo na mabibigo na ilabas ang kanilang mga plaka at OR/CR sa tamang oras.

Maaaring ipadala ang mga reklamo sa mga social media account ng LTO at mas mabuti sa AksyON THE SPOT 0929 292 0865.

Batay sa patakaran ng LTO, dapat mag-release ang lahat ng opisina ng LTO ng mga plaka at OR/CR sa mga dealership ng sasakyan sa loob ng limang araw pagkatapos maisumite ang lahat ng kinakailangang dokumento.

Sa kabilang banda, ang mga dealership ng sasakyan may anim na araw upang i-release ang mga ito sa kanilang mga kliyente, para sa isang kabuuang maximum na 11 araw.

Muling binigyang-diin ng LTO na ang backlog ng plaka para sa lahat ng four-wheel vehicle natugunan na noong unang bahagi ng taon.

AUTHOR PROFILE