Mendoza

LTO humingi ng tulong sa PNP para labanan online scammers

May 3, 2024 Jun I. Legaspi 186 views

MAKIKIPAG-ugnayan ang Land Transportation Office (LTO) sa Philippine National Police (PNP) sa paghabol sa mga online scammers na gumagamit sa ahensya para sa ilegal na money-making scheme.

Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II na nakipag-ugnayan na sila sa mga online payment partners para palakasin ang alyansa sa pagprotekta sa mga kliyente ng ahensya.

“Hindi po nag-sesend ng notice of violation ang inyong LTO. Ang ganitong sistema matagal ng hindi gumagana kaya anumang message na matatanggap ninyo tiyak na galing sa scammers,” saad ni Mendoza.

“Pinapayuhan namin ang ating mga kababayan na huwag itong pansinin at i-report kaagad sa kinauukulan para sa karampatang aksyon.

On the part of the LTO, we are coordinating with our partners and other concerned government agencies to run after these people and protect the public,” dagdag pa niya.

Sinabi ni Mendoza ang babala sa gitna ng paglaganap ng phishing scam na ginagawa ng mga online scammers sa pamamagitan ng panggagaya sa LTO sa pamamagitan ng text messages na nagsasabing may mga traffic violation ang target na biktima.

Ang parehong text message naglalaman ng isang link sa di-umano’y LTO website at kapag ang lahat ng mga detalye naipasok na sa mga pekeng website, ang pagpili ng opsyon sa pagbabayad ang magre-redirect sa user sa isang pekeng login page na idinisenyo upang nakawin ang impormasyon mula sa mga user.

Pinayuhan ni Mendoza ang publiko na direktang makipag-ugnayan sa tanggapan ng LTO kung makakatanggap ng ganitong mga text message.

AUTHOR PROFILE