LTFRB

LTFRB, magbubukas ng bagong ruta

June 23, 2023 Jun I. Legaspi 203 views

Sa gitna ng tigil-operasyon ng PNR

NAKATAKDANG magbukas ng ilang ruta ng pampublikong sasakyan ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para sa mga pasaherong maaapektuhan ng pansamantalang tigil-operasyon ng Philippine National Railway (PNR).

Kaugnay ito ng pagpapatayo sa North-South Commuter Railway (NSCR), isang “urban railway network” na may habang 147 kilometro at magdurugtong sa Metro Manila-Pampanga at Metro Manila-Laguna. Tatagal ang proyekto sa loob ng limang taon at tinatayang 30,000 na mga pasahero ang posibleng maapektuhan araw-araw.

Sa ilalim ng Memorandum Circular No. 2023-020, tinukoy ng LTFRB, sa tulong ng Franchise Planning and Monitoring Division (FPMD) nito at ng pamunuan ng PNR, ang tatlong ruta na maaaring buksan para sa mga maaapektuhan ng pansamantalang pagsasara ng PNR.

Kabilang sa mga ito ay ang FTI-Divisoria via East Service Road at Alabang (Starmall)-Divisoria via South Luzon Expressway (SLEX) para sa mga pampublikong bus, at Malabon-Divisoria para sa mga Modern Public Utility Jeepney (MPUJ).

Sa kabuuan, 30 yunit ng pampublikong bus ang inaasahang bibiyahe sa ruta ng FTI-Divisoria at 25 yunit para sa rutang Alabang (Starmall)-Divisoria. Nasa limang MPUJs naman ang maaaring bumiyahe sa rutang Malabon-Divisoria. Gayunpaman, posible pa rin itong mabago depende sa dami ng pasahero sa mga naturang ruta.

Batay rin sa memorandum, ang pagpili ng mga operator na maaaring pumasada sa mga bubuksang ruta ay alinsunod sa Memorandum Circular No. 2019-013 o ang “Consolidated Guidelines on the Process of Issuance of Certificate of Public Convenience (CPC) and Provisional Authority (PA)/Special Permit (SP) Under the Omnibus Franchising Guidelines and Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).”

Nakasaad din sa memorandum na ang rehistro ng mga pampublikong sasakyan na awtorisadong bumiyahe sa mga bubuksang ruta ay hindi dapat lumagpas ng limang taon, batay sa Certificate of Registration nito sa Land Transportation Office (LTO).

Bukod dito, kinakailangan na pumasada ang sasakyan gamit ang special permit na may bisa sa loob ng isang taon at maaaring i-renew kada taon o hanggang sa ganap nang maging bukas sa publiko ang operasyon ng NSCR.

Ipatutupad din sa mga binuksang ruta ang umiiral na pasahe para sa mga pampublikong bus na inaprubahan ng LTFRB Board.

“The effect of the closure of these select PNR stations on commuters will be quite substantial, so through these PUV routes, we hope to lessen the impact of the closure. We appreciate the help of the PNR in identifying the routes, and we know that once the NSCR is completed, its benefits [will] be truly worth it in terms of passenger mobility along our railways, which is regarded as one of the most convenient and affordable modes of public transportation in the country,” pahayag ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz III.

AUTHOR PROFILE