Lolit

Lolit, touched sa pa-birthday nina Sen. Bong at Cong. Lani

May 22, 2023 Ian F. Fariñas 157 views

Magaling sa time management si Senator Bong Revilla dahil kahit busy sa trabaho sa Senado at sa taping ng bago niyang Kapuso sitcom, eh, nagawa pa niyang bigyan ng intimate birthday lunch ang kanyang manager/nanay-nanayan na si Lolit Solis kahapon.

Kaya naman touched na touched ang kaka-76 years old pa lamang na si ‘Nay Lolit sa gesture ni Sen. Bong at ng misis niyang si Cong. Lani Mercado.

Sa maiksing live video na ginawa ng senador sa kanyang Facebook account, garalgal ang boses ni ‘Nay Lolit na halos mapaiyak nang magpasalamat sa Revilla couple.

Aniya, “Basta ito ang sasabihin ko, isa sa mga pinakamabuting tao sa showbiz ang Revilla family. Touched na touched ako sa pagmamahal nila sa akin,” na muntik na ring ikaiyak ng senador.

Anyway, feeling ni ‘Nay Lolit ay magiging rater ang sitcom nina Sen. Bong at Beauty Gonzalez na Walang Matigas ng Pulis sa Matinik na Misis sa GMA-7.

Cute nga raw kasi ang teaser nito at kahit bago pa lang ang tambalan, eh, may chemistry na agad sina Sen. Bong at Beauty.

Bukod sa magandang feedback sa bagong sitcom, masaya rin si Sen. Bong dahil pasado na sa Senado ang “Kabalikat sa Pagtuturo Act” na naglalayong bigyan ng permanente at mas mataas na teaching allowance ang mga guro.

Aniya, “Muli po tayong nagpapasalamat sa ating mga kapwa-senador sa buong-buong suporta at pagsisikap na bigyang-katuparan itong panukalang ito para agarang matamasa ng ating mga guro.

Saludo tayo sa kanilang kabayanihan sa loob at labas ng silid-aralan.”

Dagdag niya, layon ng naturang panukala na palakasin ang TSA, na mas kilala sa tawag na “chalk allowance,” para madagdagan ang kasalukuyang allowance ng mga public school teacher na hindi na sumasapat sa mga gastusin at hindi naisasama sa national budget.

Ang kasalukuyang allowance pala ng mga guro ay nakabase lamang sa special provision sa General Appropriations Act, sa ilalim ng taunang budget ng Department of Education (DepEd), kung saan ay nasa P5,000 lang ang tinatanggap ng mga teacher. Sa ilalim ng batas ni Sen. Bong, bawat teacher ay tatanggap ng P7,500 sa 2024 at P10,000 naman sa simula ng taong 2025.

“Kailangan nating gawan ng batas ang tinutukoy nating Teaching Supplies Allowance para sa mga teacher, upang hindi basta-basta na lamang tatanggalin ng kung sinuman na bagong upo,” paliwanag ng aktor-politiko.

Simula 18th Congress, ipinaglalaban na ni Sen. Bong ang naturang panukalang batas kung saan ang 904,034 public school teachers ang makikinabang sa naturang allowance dahil sa karamihan sa mga guro ay naoobligang bawasan pa ang kanilang kakarampot na suweldo para lamang umano makabili ng supplies na gagamitin nila sa kanilang pagtuturo.

“Imbes na ang kanilang suweldo ay pinagkakasya nila sa kanilang pantawid-gutom sa araw-araw ay binabawasan pa nila dahil nag-aabono pa sila ng pambili ng chalk, ballpen, bond paper, at pagbili ng load lalung-lalo noong panahon ng pandemya, ganyan nagsasakripisyo ang tinatawag nating ikalawang magulang ng ating mga anak at bayani ng edukasyon,” saad pa niya.

Si Sen. Bong ang chairperson ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation.

AUTHOR PROFILE