Lacuna

Liquor ban sa Maynila Huwebes, Biyernes Santo

March 27, 2024 Edd Reyes 88 views

IPAIIRAL sa Lungsod ng Maynila ang liquor ban simula Huwebes Santo hanggang Biyernes Santo upang bigyang daan ang mapayapang paggunita sa Mahal na Araw.

Sa isang pahinang kautusan sa ilalim ng Executive Order No. 9 Series of 2024 na nilagdaan ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan nitong Martes ng gabi, ipagbabawal ang pagbebenta at pag-inom ng alak o lahat ng uri ng inuming nakalalasing sa loob ng 500-metrong radius sa lahat ng simbahang Katoliko sa lungsod.

Pangunahing layunin ng inilabas na kautusan ang pagtataguyod ng katahimikan at kaayusan sa panahon ng paggunita sa Semana Santa at pagkakaloob na rin ng konsiderasyon sa mataimtim na pananalangin.

Inaatasan din ng alkalde ang Manila Police District (MPD) at lahat ng mga tanggapang nagpapatupad ng batas ang mahigpit na implementasyon ng kanyang inilabas na Executive Order.

Nilinaw naman ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Mayor Lacuna-Pangan na ang pagpapairal ng liquor ban sa lungsod ay hanggang 500 metrong layo lamang mula sa mga simbahang Katoliko.

Hindi naman nakasaad sa naturang kautusan ang ipapataw na parusa sa mga mahuhuling lalabag sa liquor ban bagama’t sa mga una ng inilabas na kahalintulad na kautusan ng Pambansang Pamahalan, mahaharap sa parusang pagkakabilanggo ng isa hanggang anim na taon ang sinumang mapapatunayang lalabag dito ng walang kaukulang probation.

AUTHOR PROFILE