Default Thumbnail

‘Lider’ ng mga tirador sa convenience store huli

March 9, 2024 Edd Reyes 229 views

NADAKIP ng pulisya ang lider ng grupo ng mga kawatang sangkot sa serye ng mga panghoholdap sa mga convenience store Biyernes ng madaling araw sa Taguig City.

Kinilala ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Mark Pespes ang umano’y lider ng grupo na si alyas “Salbahe”, 30, ng Brgy. Sta Ana Taguig, habang dinakip din ang tatlo pang sina alyas “Aga”, 23, “Alex” 40, at “Mark”, 39, na pawang residente rin sa naturang barangay makaraang manghimasok at gumawa ng paraan upang harangin ang mga pulis sa legal na operasyon.

Sa kanyang ulat kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Director P/MGen. Jose Melncio Nartatez, Jr. sinabi ni BGen. Pespes na isang linggong nagsagawa ng masidhing pagmamanman ang mga operatiba ng SPD-District Special Operation Unit (DSOU) at Intelligence Section ng Taguig Police laban kay Gayas matapos ang magkakasunod na panghoholdap sa mga convenience store sa Las Piñas City, Paranaque, Angono, Rizal at Cavite.

Sa kuha ng CCTV sa hinoldap na dalawang sangay ng Alfamart noong Pebrero 29 sa Brgy. Manuyo Dos at Marso 1, 2024 sa Barangay Talon Tres noong Marso 1, 2024 sa Las Piñas City, nakilala si Salbahe na siya pang nanakit sa isang kahera at tumakas, sakay ng motorsiklo, kasama ang isa pa.

Lumabas din sa pagsisiyasat na may warrant of arrest na inilabas si Taguig Regional Trial Court (RTC) Judge Leili Cruz Suarez ng Branch 163 laban kay Salbahe sa kasong panggagahasa na walang inirekomendang piyansa.

Nang isagawa ang pagdakip, nakuha ng mga operatiba sa akusado ang isang granada, isang kalibre .45 pistola na may magazine na naglalaman ng tatlong bala, isang kaliber .38 revolver na kargado ng dalawang bala at cellular phone.

Ayon kay Pespes, mga kasong paglabag sa R.A. 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition), at R.A. 9516 (Illegal possession of grenade) ang isasampa nila laban kay Salbahe habang paglabag naman sa P.D. 1829 (Obstruction of Justice) ang isasampa sa tatlo pang nadakip sa Taguig City Prosecutor’s Office.

Binigyang papuri naman ni MGen. Nartatez ang mga operatiba ng Taguig at SPD-DSOU sa matagumpay na operasyon.

“The arrest of these four individuals and confiscation of firearms and explosives is a testament to our intensified intelligence operations and strict follow-up operations to arrest violators of the law,” pahayag ng NCRPO chief.

AUTHOR PROFILE