Default Thumbnail

Libo-libong dilaw na sibuyas nasabat sa Divisoria

December 3, 2022 Jonjon Reyes 264 views

MAGKASANIB na puwersa ng ahensiya ng pamahalaan ang sumalakay at nakumpiska ang dilaw na sibuyas na nakasilid sa 1,000 nylon nets sa isang bodega sa Sto. Cristo Street, Tondo, Maynila Biyernes ng gabi.

Sa pangunguna ni P/Major Johny Boy Itcay ng Regional Special Operation Group ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kasama sina SA2 Antero Prado ng Bureau of Customs (BOC), Lito Litlero ng Department of Agriculture (DA), Melvin Banagbanag ng Bureau of Plant and Industry (BPI), Lt. Mark Mangoyob ng Philippine Coast Guard (PCG) sa direktiba ni P/Col. Romano Cardiño, hepe ng Regional Investigation Division ng NCRPO, nang salakayin nila ang bodega sa isang gusali sa nasabing lugar.

Bago rito, ipinagbigay alam muna ng grupo sa tanggapan ni P/Lt. Col. Harry Ruiz Lorenzo lll, commander ng Manila Police District (MPD) Moriones Police Station ang operasyon sa lugar.

Iniutos naman ni Lorenzo kay P/Maj. Joseph Jimenez, block commander ng Asuncion PCP (Police Community Precinct) na asistihan ang magkakahiwalay na grupo.

Sa ulat ng pulisya, bandang 7:00 ng gabi, Biyernes ng salakayin ang bodega sa nasabing lugar.

Narekober ng mga awtoridad ang mga sibuyas na dilaw na aabot sa 1,000 bags at pinaghihinalaang ilegal na ipinasok sa bansa.

Ayon kay Cardiño, ang mga nakumpiska ay mga “smuggled yellow onion” kaya nahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act 10611 “Food Safety Act 2013” ang mga napagkunan nito, batay sa basbas ni Yogi Filemon Ruiz, acting commissioner ng BOC.

AUTHOR PROFILE