BBM

Lawmaker: 95.8% employment rate sa ilalim ng Marcos admin pinakamataas sa loob ng 18 taon

December 7, 2023 People's Tonight 244 views

BBM1PUMALO sa 95.8 percent ang employment rate ng Pilipinas sa ilalim ng Marcos administration na pinakamataas sa loob ng 18 taon, ayon sa isang mambabatas.

Kasunod ng inilabas na October 2023 Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), pinuri ni Bulacan 6th District Rep. Salvador Pleyto ang Marcos administration sa pagiging ‘driving force’ tungo sa mas malakas na ekonomiya.

Sinabi ni Rep. Pleyto na siniguro ng mga polisiya ni Presidente Ferdinand R. Marcos Jr. na ang mga bunga ng economic growth sa ilalim ng kanyang administrasyon ay mapakikinabangan ng milyon-milyong Pilipino.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang “record-breaking” unemployment rate ng bansa na bumaba sa 4.2%, at sinabing sa lahat ng economic indicators, ang job figures ang “pinakamahalaga”.

“Sino ba naman ang hindi magagalak sa 95.8 percent na employment rate noong Oktubre, na siyang pinakamataas sa loob ng 18 taon?

Nilampasan nito ang dating pinakamataas na employment rate na naitalaga noon pang Abril ng taong 2005,” sabi Rep. Pleyto, miyembro ng House Agriculture and Food Committee.

“Sa lahat ng mga economic indicators, ang job figures ang pinakamahalaga. Sapagkat anumang paglago ng ekonomiya ay magiging makabuluhan lamang kung ma kasabay na pagdami ng trabaho,” aniya.

Sinabi ni Rep. Pleyto, na miyembro rin ng House Overseas Workers Affairs Committee, na dahil dito ay mahihimok ang overseas Filipino workers (OFW) na bumalik sa bansa at maghanap ng oportunidad dito.

Subalit sinabi niya na masyado pang maaga para sa magbunyi, binigyang-diin na marami pang hamon na kakaharapin ang Marcos administration.

“Hatid man ay tuwa ng ganitong balita, hindi pa tapos ang ating sinumpaang gawain. Kailangan nating lumikha pa ng maraming trabaho hindi lang para doon sa mga naghahanap nito, pero doon sa mga bagong pasok sa lakas paggawa,” ani Rep. Pleyto.

“Kailangan may naghihintay ne empleyo sa mga bagong graduate ng ating mga paaralan, at doon sa mga OFW na gustong i-alay ang talinong kanilang nalikom sa kanilang sariling bayan naman,” dagdag pa niya.

Ayon pa sa mambabatas mula sa Bulacan, dapat laging tiyakin ng Marcos administration na ang paglikha ng trabaho ang nangunguna at nasa sentro ng socioeconomic agenda nito para mahikayat ng kultura ng “sipag at talino” sa mga Filipino worker.

“Ito ang pangunahing misyon ng pamahalaan, ang palaguin ang ekonomiya upang ito naman ay makapaglikha ng maraming trabaho sa mga Pilipinong may sipag at talino,” aniya.

“Kaakibat nito ang mahalagang papel ng ating sistema ng edukasyon at manpower development na syang binubuhusan nating ng atensyon, sa paniniwala na anumang investment sa paghubog ng isang skilled national talent pool ay lilikha ng kaginhawaan para sa lahat.”

AUTHOR PROFILE