Default Thumbnail

Lalaking nambabato ng sasakyan huli sa Navotas

May 1, 2023 Edd Reyes 155 views

BUMAGSAK sa kamay ng mga awtoridad ang lalaking hinihinalang nambabato ng salamin ng mga sasakyan makaraang matiyempuhan ng mga opisyal ng baranagy Sabado ng gabi sa Navotas City.

Hinabol nina Rommel Baron at Andrea Guerrero, Ex- O at tanod ng Brgy. Navotas East ang suspek na si Jimmy Caboboy, 26, walang trabaho at residente ng Miguel St. Brgy. NBBN nang batuhin umano ng huli ang sasakyang pag-aari ni John Arbee Benitez, 34, ng 20LR Brgy. Navotas East sa Yangco St Brgy. Navotas East dakong alas-8:30 ng gabi hanggang abutan at madakip sa C-4 Road, Brgy. NBBN.

Lumabas sa imbestigasyon ni P/Cpl. Florencio Nalus ng Navotas Police Station na kausap ng biktima habang sakay ng minamanehong Suzuki Ertiga (NFD-8239) ang dalawang opisyal ng barangay nang bigla na lang batuhin umano ng suspek ang salamin sa likuran ng sasakyan bago tumakas patungong C4 Road.

Inaalam na ng pulisya kung may iba pang mga sasakyan ang nabiktima sa ginagawang pambabato ng suspek upang matawagan ng pansin para sa pagsasampa ng kaso.

Sinabi ni Navotas police chief P/Col. Allan Umipig na kasong malicious mischief ang isasampa nila sa suspek sa Navotas City Prosecutor’s Office.

AUTHOR PROFILE