Kumusta na ba ang ating mga “komadrona?”
SA ginanap na ‘Meet the Press/Report to the Nation’ media forum ng National Press Club kahapon, ‘very informative’ para sa atin ang naging diskusyon hinggil sa mga “komadrona” (midwife) sa bansa. Kumbaga, nadagdagan na naman ang ating kaalaman, hehehe.
Dangan kasi, mayroon na palang ‘Komadrona Partylist’ ngayon, dear readers, na ang pangunahing layunin, sabihin pa, ay isulong ang interes at karapatan ng mga komadrona na sa mahabang panahon ay sadyang napabayaan na.
Si ex-senator, ex-DILG secretary at ex-Laguna governor, Joey D. Lina Jr., ang nominado ng partido sa May 2022 elections, hindi dahil “nagpapaanak” din si Gov. Joey, bagkus, siya pala ang ‘principal author’ ng RA 7392 o ang ‘Philippine Midwifery Act of 1992,’ isa sa mga maraming batas na naipasa ni Sen. Lina sa termino niya sa Senado (1987-1995).
Aaminin natin na madalas nating “mabuska” noon dito sa ating pitak si Sen. Joey. But past is past and let us all move on, wika nga. Tama ba, Mommy Tess Lardizabal, hehehe!
Sa pinili naman niyang “krusada” ngayon, eh, “aprub” ito sa atin, mga kabayan dahil sa lahat na yata ng mga ‘frontline health workers’ ng gobyerno, mga komadrona ang isa mga sa ‘most exploited, unappreciated and least compensated,’ kahit pa nga mabigat ang kanilang ginagampanang papel sa ating lipunan.
Sa kasalukuyan, aabot lang pala sa higit 34,000 hanggang 40,000 ang bilang ng mga rehistradong komadrona sa bansa samantalang halos 110 milyon na ngayon ang ating populasyon!
Pansinin pa rin na bukod sa pagpapaanak ng mga “kagampan,” “trabaho” rin ng mga komadrona na tiyakin ang kalusugan hindi lang ng isang anak, bagkus, ng kahit bagong silang na mga sanggol hanggan matuto na silang lumakad at magsalita.
At ngayong panahon ng pandemya, nadagdagan pa ang kanilang trabaho, particular na sa malalayo nating probinsiya kung saan ‘roll into one’ ang kanilang papel bilang komadrona, “doktor,” nurse, health worker, etcetera, etcetera.
Sa mga lugar kasing malayo sa “kabihasnan,” sila lang ang may ‘health and medical training’ sa kanilang mga barangay kaya sila ang palaging nilalapitan ng mga may karamdaman.
Ang masaklap nga lang, aabot lang pala sa P10,000 kada buwan (SG9) ang kanilang mga suweldo; sa iba pa ngang mga mahihirap na lalawigan katulad ng Romblon, aba’y wala pang P4,000 ang suweldo!
Samantalang mga ‘professional’ naman sila na “nagpapakadalubhasa” at kumukuha pa ng eksaminasyon bago mabigyan ng ‘license to practice.’
Ayon pa kay Sen. Lina, panahon na upang agarang itaas ang ‘entry salary’ ng mga komadrona sa kahit P15,000 man lang kada buwan (SG12) at ibigay ang mga benepisyo at pribilehiyo ng kanilang napiling propesyon.
Sa marami pala kasing pagkakataon, aba’y para lang ‘ma-justify’ ang mababang suweldo sa mga komadrona, inilalagay sila sa klasipikasyon bilang mga ‘nursing attendant’ at sa iba pang pagkakataon ay ginagawa lang silang mga ‘casual’ o ‘contract of service,’ talaga rin naman!
Bukod sa mga komadrona, asinta na rin ni Sen. Joey na mabigyan ng pansin ang mga “hilot” na marami pa rin sa ating bansa, partikular sa mga probinsiya.
Aber, dadami ba ang bilang ng mga Pinoy kung hindi rin sila “pinaanak” ng mga ‘hilot,’ sige nga?
Eh, harinawang manalo itong Komadrona Partylist ni Gov. Joey Lina. Alam kasi natin na sa higit 22 taon na niya bilang ‘public servant’ at beteranong mambabatas, alam na niya ang dapat gawin upang “maipagwagi” ang interes ng mga komadrona, hilot at iba pang mga katulad nila sa Kongreso.
Translation? ‘Good luck,’ sa Komadrona Partylist!