Default Thumbnail

Koleksiyon ng BOC, umabot ng P74.861-B!

July 5, 2023 Vic Reyes 260 views

Vic ReyesKUNG ikaw ay bagitong newspaper, radio o television reporter na nagco-cover sa “snake-infested” waterfront sa Manila ay talaga namang mapapa-wow ka sa magandang performance ng Bureau of Customs (BOC).

Partikular na sa larangan ng revenue collection na kung saan “exceptional” ang tawag ng mga customs stakeholders, kasama na ang mga customs broker at importer, sa performance ng ahensya.

Pero ang mga beteranong customs-based na mamamahayag ay mukhang hindi excited kapag pinalalabas ng mga taga-BOC ang kanilang monthly revenue collection report.

Paano pa silang mae-excite eh normal na sa kanila ang balitang laging nalalampasan ng ahensya ang kanilang record pagdating sa nakokolektang buwis, taripa at ibang bayarin.

Kagaya na lang noong nakaraang buwan ng Hunyo, umabot ng tumataginting na P74.861 bilyon ang revenue collection ng lahat ng BOC collection districts sa buong bansa.

Ang koleksyon ay lampas ng P140 milyon kumpara sa BOC collection target na P74.721 bilyon.

Mula Enero 2023 hanggang nitong Hunyo ay mayroon ng P434.169 bilyon ang total na koleksyon ng BOC. Ito ay mas malaki sa target nitong P420 bilyon para sa anim na buwan.

Kaya kailangan na lang makakolekta ang BOC ng P467.14 bilyon sa nalalabing anim na buwan para maabot ang kanilang 2023 revenue collection target.

Ang target revenue collection ng ahensya sa taong ito ay tumataginting na P901.3 bilyon. Ito ay mas mataas sa target nito noong 2022 na P721 bilyon.

“The increase was achieved despite the challenges in importation volume, which is negative 2.8 percent this year for high value commodities,” ayon sa BOC.

Dagdag ng BOC: “Although the volume of oil increased by 9.9 percent this year as compared last year, the revenue from said commodity declined due to decreasing value of oil in the world market.”

Ayon pa sa report, ang “unrelenting drive” laban sa ismagling ay nakatulong ng malaki sa magandang revenue collection performance ng ahensya.

Sa totoo lang, ang kampanya laban sa ismagling ay nagresulta sa pagkakasakote ng mga kontrabando na nagkakahalaga ng mahigit na P23.8 bilyon sa taong ito.

Ang mga nakumpiska ay kinabibilangan ng counterfeit goods, produktong agrikultura at sigarilyo.

Sa ilalim ng panunungkulan ni Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ay naitala rin ng BOC ang kanyang “daily record-breaking koleksyon na P7.520 bilyon.”

Ang record ay naitala noong Abril 28, 2023, ayon pa sa pahayag ng BOC, na nasa ilalim ng Department of Finance.

Pinasalamatan naman ni Commissioner Rubio, na taga-Batac City, Ilocos Norte, ang kanyang mga opisyal at kawani dahil sa patuloy nilang dedication sa trabaho.

Nanawagan si BOC Chief Rubio sa kanyang mga empleyado na i-maintain and kanilang exceptional performance sa mga nalalabing buwan ng taon.

Ayon kay Rubio, mahalagang gamitin nila ang modernization program ng ahensya at reform initiatives aligned with PresidentMarcos’ 8-point socio-economic program.

Sa taong ito ay tinatayang maabot ng BOC ang kanilang P901 bilyong target dahil inaasahang lalaki pa ang koleksyon nito bago pa man dumating ang “ber” months.

Bago pa man kasi magsimula ang “ber” months sa September, ay parating na ang tinatawag na “Christmas items.”

Tama ba kami, Finance Secretary Benjamin Diokno?

****

Mukhang wala na nga ang dating takot ng taumbayan sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Wala na ang mga restriction, kasama na ang mandatory wearing ng face mask, at puwede ng mag-ikot-ikot kung saan-saan na walang sisitang otoridad sa iyo.

Pero bakit kaya parang hindi na marami ang mga taong nagpupunta sa mga pamilihang bayan sa maraming parte ng bansa?

Dahil sa taas ng pamasahe sa mga tricycle, ang pangunahing sinasakyan ng taumbayan, lalo na sa nga probinsiya, ay ayaw ng magpunta sa bayan ng maraming konsumer.

Ang ginagawa ng karamihan ngayon ay namimili na lang sa pamamagitan ng online marketing. Pati nga pang-meryenda ay nabibili na sa mga online vendor.

Kaya nga kumakamot na lang ng ulo ang mga may-ari at drayber ng mga tricycle dahil wala na silang kinikita kahit bukas na bukas na ang ekonomiya.

Hinaing nga ng nakausap nating matandang pasahero, “Mabuti nga sa kanila, sobra naman kasi nilang ginipit ang taumbayan, lalo na ang mga mahihirap, noong panahon ng pandemya.”

“Grabe silang maningil ng pamasahe. Kahit malapit lang ang pupuntahan ng pasahero ay ang taas ng sinisingil na pamasahe, alam naman nila ang hirap ng buhay.”

Kaya sa mga driver ng tricycle, sa Metro Manila at maging sa mga probinsiya, huwag niyo naman kasing pagsamantalahan ang mga pasahero.

Alam niyo naman na karamihan sa mga ‘yan ay isang kahig, isang tuka rin naman.

(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa#09178624484/email:[email protected].Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE