Default Thumbnail

Kelot na may baril nang-harass ng babaeng estudyante, tiklo

March 9, 2023 Edd Reyes 194 views

PATONG-patong na kaso ang kinakaharap ng 34-anyos na lalaking nagbanta at nagsagawa ng “sekswal na panliligalig” sa 18-anyos na dalagang estudyante makaraang mahulihan pa ng baril Miyerkules ng tanghali sa Las Piñas City.

Ikinasa ng mga tauhan ni P/Col. Jaime Santos, hepe ng Las Piñas Police Station ang operasyon laban sa suspek matapos humingi ng tulong sa pulisya ang estudyanteng kanyang nililigalig at pinagbabantaan umano kapag hindi nakipagtagpo sa kanya.

Sa ipinadalang ulat ni Santos kay Southern Police District (SPD) Director P/Brigadier Gen. Kirby John Kraft, paulit-ulit umanong niyayakag ng suspek ang biktima na makipagkita sa kanya na malinaw na isang uri ng “sexual harassment” at nang tanggihan niya ang mga paanyaya ay pinagbantaan siya ng lalaki, dahilan upang humingi na siya ng tulong sa pulisya.

Dakong alas-12 ng tanghali nang dakpin ng mga tauhan ni Santos ang suspek sa harap ng isang bantog na tindahan ng Pancit Malabon at pichi-pichi sa Alabang-Zapote Road, Bgy. Almanza Uno habang hinihintay ang pagdating ng dalaga.

Nang kapkapan, nakuha sa suspek ang isang kalibre .45 baril na may magazine na kargado ng apat na bala at ang cellphone na ginagamit niya sa pananakot at pagbabanta sa biktima.

Nakadetine na ang suspek sa Las Piñas City Police Station habang isinumite sa PNP Crime Laboratory ang nakumpiska sa kanyang baril upang isailalim sa ballistic examination.

Mga kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act, sexual harassment seduction, at cyber libel ang isasampa ng pulisya laban sa nadakip na suspek sa Las Piñas City Prosector’s Office.

AUTHOR PROFILE