Default Thumbnail

Karapatang pulitikal, hindi dapat isinasakripisyo

September 9, 2023 Magi Gunigundo 205 views

Magi GunigundoKARAPATANG pulitikal at pang-ekonomiya ng ideyolohiyang liberal na demokrasya ang nakamit ng taong bayan sa EDSA 1 noong Pebrero 1986. At sa sumunod na dalawang dekada, hindi pinalalampas ng taong bayan ang mga pulitikong sangkot sa paglabag sa karapatang pantao, pangdarambong, at di-katanggap tanggap na ugali. Nadidisgrasya ang popularidad ng pulitiko at nawawalan ng tindig sa mata ng taong bayan. Sa katunayan, may napatalsik sa puwesto noon 2001 at may napilitan mag-sorry sa publiko sa pagtawag sa isang opisyal ng Comelec noon 2005.

Kaya naman nakapagtataka na magmula 2016 hanggang sa kasalukuyan, ang mga kahalintulad na iskandalo ay hindi na tinatalaban ang popularidad ng mga pinuno ng bansa kahit napako na ang pangako. Mayroon lumindol sa ating lipunan kaya’t manhid na ang taong bayan sa mga iskandalo ng korapsyon, extra-judicial killings, at kabastusan ng mga pulitikong karismatiko.

Ang mga karapatan pulitikal ay may kaugnayan sa karapatan pantao laban sa arbitraryo at di dumaan sa kaparaanan ng batas na pagpatay, malayang pagboto sa regular at malinis na halalan, malayang pamamahayag at pagsasalita at kakayahan makakuha ng serbisyong maayos sa pamahalaan.

Ang karapatan pang-ekonomiya ay may kaugnayan sa lugar ng trabaho, seguridad sa lipunan, buhay ng pamilya, pakikilahok sa buhay kultural, at sa pabahay, pagkain, tubig, pangangalaga sa kalusugan at edukasyon. Kabilang dito ang karapatan sa patas na sahod at pantay na suweldo; ang karapatan sa sapat na proteksyon kung sakaling magkaroon ng kawalan ng trabaho, pagkakasakit o katandaan; o ang karapatan sa isang sapat na pamantayan ng pamumuhay.

Pagkatapos ng halos apat na dekada mula 1986, hindi nabawasan bagkus ay lalo pang lumawak ang lamang ng mayaman sa mahirap. Wala pang isang porsiyento ng 18 Milyon pamilyang Pilipino ang mayaman batay sa PSA. Ang mahihirap ay nananatiling kulang sa puhunan upang magtayo ng negosyo at walang akses sa bangko para makapangutang ng kapital, dehado sa bulok na edukasyon na nakakiling sa mayaman at bulag at bingi sa sitwasyon ng batang mahirap na kulang sa nutrisyon at salat sa kagamitan, at walang maimpluwensyang koneksyon na kailangang-kailangan para mapakinabangan ang mga karapatang pang-ekonomiya.

Matimbang ang mga karapatang pulitikal ng isang tao kung ang buhay niya ay may kaunting seguridad sa ekonomiya. Ayon kay Joel Butuyan ( Inquirer, Septiembre 7,2023) lupaypay na ang mga mahihirap sa laban sa buhay sapagkat ang oras at lakas nila ay hinihigop ng mabigat na trabaho na mababa ang pa-suweldo, matagal at nakakabagot na biyahe lulan ng pampublikong sasakyan, at walang katapusan na mga gawaing bahay. Wala na silang nalalabing oras at lakas para magmuni-muni sa mga isyu na lumalabag sa karapatang pulitikal. Walang silbi ang karapatang pulitikal para sa taong lugmok sa kahirapan. Dahil dito, hindi nag-aatubiling isakripisyo ng mahihirap ang mga karapatang pulitikal kapalit ng ayuda at bahagyang ginhawa. Isang halimbawa ang mga Intsik na walang karapatang pulitikal na ngunit nagtatamasa ng magandang ekonomiya ayon sa propaganda ng Komunistang Tsina.

Ito ang linya ng mga karasmatiko at kontra-demokratikong lider na nag-aastang mesiyas at kampeon ng mga mahihirap. Sila raw ang lulutas sa problema ng droga sa loob ng 6 na buwan ngunit ito ay magiging madugo dahil gagamit ng dahas, at lilipol sa mga komunistang humaharang ng kaunlaran. Patok na patok ito sa mahihirap na hindi na binibigyan ng halaga ang karapatan pulitikal at naghahanap ng masisisi na sanhi ng kanilang kalungkutan . Ito malamang ang dahilan kung bakit ang pagbubunyag ng mga demokratikong lider sa extrajudicial killings, malawakang korapsyon, at bastos na pag-uugali at pananalita ng mga pinunong karismatiko sa mga panahong ito ay hindi na pumupukaw ng atensiyon ng maraming mahihirap na abala sa pagtawid sa araw araw na gastusin.

Tulad ng nagaganap sa Amerika ngayon, ang mga biktima ng kapabayaan ng pamahalaan ay unti unting nahihimasmasan at napagtatanto ang katotohanan na niloloko sila ng huwad na mesias at kampeon ng taong bayan. Mapapabilis ang proseso ng panunumbalik ng tiwala ng taong bayan sa mga demokratikong lider na makapagpapakita ng alternatibong solusyon pang-ekonomiyang na tugma sa mga adhikain, pangarap at pag-asa ng mga ordinaryong tao. Sa pamamagitan nito, maibabalik muli ang pagpapahalaga ng taong bayan sa karapatang pulitikal na hindi dapat isinasakripisyo sa isang demokrasya.

AUTHOR PROFILE