Martin Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez

KAMARA, SENADO MALAPIT NANG MAGKASUNDO

June 16, 2024 People's Tonight 154 views

Sa pag-amyenda sa RTL — Speaker Romualdez

MALAPIT na umanong magkasundo ang Kamara de Representantes at Senado kaugnay ng panukalang amyendahan ang Rice Tariffication Law (RTL) matapos ang unang opisyal na pag-uusap nina Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez at Senate President Francis “Chiz” Escudero.

“Ongoing po at mukhang nagkakasunduan na ang House at ang Senate at mukhang malapit na. Matatapos din at magkakaroon tayo ng magandang resolusyon,” ani Romualdez sa isang panayam sa Agriculture Convergence Event sa Tiaong, Quezon.

Inimbitahan si Speaker Romualdez sa event para sa paglulungsad ng Farmers Assistance for Recovery and Modernization (FARM) program at payout ng ayuda sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sa kanyang keynote speech sa event na inorganisa ni Deputy Speaker at Quezon 2nd District Rep. David “Jay-jay” Suarez, sinabi ni Speaker Romualdez ang pagnanais ng Kamara na maamyendahan ang RTL upang magpatuloy ang suporta sa mga lokal na magsasaka at maprotektahan ang mga konsumer laban sa mataas na presyo ng bigas.

Sinabi ni Speaker Romualdez na nais ng Kamara na muling payagan ang National Food Authority (NFA) na makapagbenta ng bigas sa publiko.

“Marami pa po tayong mga kasama sa adhikaing mapalago ang ating sektor ng agrikultura. Nariyan ang NFA na tinutulungan namin sa Kamara de Representantes na muling makapagbenta ng bigas na kanilang binili sa inyo direkta sa ating mga kababayan,” ani Speaker Romualdez.

Ayon kay Speaker Romualdez, ang mga hakbang ng Kamara ay suporta sa pagnanais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapalakas ang sektor ng agrikultura at mai-angat ang buhay ng mga magsasakang Pilipino.

Sa unang opisyal na pag-uusap ni Speaker Romualdez at Escudero noong Huwebes sa Aguado Residence sa Malacañang, isa sa natalakay ay ang panukalang amyendahan ang RTL law.

“Amending the Rice Tariffication Law is a crucial step towards ensuring food security and economic stability for our farmers,” sabi ni Romualdez.

“We are committed to making quality rice affordable for all Filipinos while boosting the livelihoods of our local farmers,” dagdag pa nito.

Ang highlight ng Agriculture Convergence Event ay ang pamimigay ng ayuda sa ilalim ng TUPAD sa halos 4,000 magsasaka na ginanap sa Tiaong Convention Center.

Binigyan-diin ni Speaker Romualdez sa kanyang talumpati ang pangako ng Kamara na suportahan ang sektor ng agrikultura at ang mga magsasaka.

Noong Mayo 21, inaprubahan na ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill 10381 na naglalayong amyendahan ang RTL, upang mas dumami ang buffer stock ng bigas sa bansa at payagan ang NFA na magbenta ng bigas sa publiko sa panahon ng emergency para mapigilan ang labis na pagtaas ng presyo ng bigas.

Sa ilalim ng panukala, ang NFA ang magrerehistro at magbabantay sa lahat ng warehouse na pinag-iimbakan ng bigas at titiyakin na nasa maayos na kalagayan ang mga stock na bigas.

Ang NFA ay inaatasan na palakihin at damihan ang binibili nitong bigas mula sa mga lokal na magsasaka at kung kakailanganin ay maaari itong mag-angkat ng bigas kung pahihintulutan ng kalihim ng Department of Agriculture (DA).

Ang kalihim ng DA ay maaaring magdeklara ng food security emergency kung magkakaroon ng kakapusan sa suplay na siyang magbibigay daan sa NFA upang magbenta ng bigas sa merkado.

Palalakasin din ang Bureau of Plant Industry na bibigyan ng kapangyarihan na mag-inspeksyon sa mga warehouse upang matiyak na sumusunod ang mga ito sa sanitary, phytosanitary at food safety standards.

Ang Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ay palalawigin ng anim pang taon at mula sa P10 bilyon ay gagawing P15 bilyon ang pondo na ilalaan sa mga programa para sa mga magsasaka.

Itatayo rin ang Rice Industry Development Program Management Office na siyang mangangasiwa sa implementasyon ng mga rice programs.

AUTHOR PROFILE