Default Thumbnail

Kagawad dedo, utol sugatan sa pananambang sa Masbate

January 20, 2023 Zaida I. Delos Reyes 138 views

ISANG barangay kagawad ang nasawi habang sugatan naman ang kapatid nito matapos na tambangan at barilin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek nitong Huwebes ng hapon sa Milagros, Masbate.

Ayon sa ulat, nasawi ang biktimang kagawad ng barangay, 43, habang sugatan naman ang kapatid nitong lalaki, 38, pawang residente ng Bgy. Tawad ng nabanggit na bayan.

Batay sa ulat na ipinadala ni Police Lt. Col. Ma. Luisa Calubaquib, tagapagsalita ng Bicol PNP (Philippine National Police), naganap ang insidente dakong alas 3:20 ng hapon habang bumibiyahe ang mga biktima lulan ng kanilang motorsiklo at binabagtas ang kahabaan ng Bgy. Capaculan ng bayang ito pauwi na ng kanilang bahay.

Dito na tinambangan umano ng mga suspek ang mga biktima at pinaulanan ng bala.

Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga gunman habang isinugod naman ang magkapatid sa De Castro Hospital Foundation Inc. subalit hindi na umabot ng buhay ang kagawad.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang linaw ang insidente.