Crime

KAGAWAD BET BINARIL SA MUKHA

October 29, 2023 Christian D. Supnad 272 views

Biktima kasalukuyang bgy chief

SANTIAGO, Ilocos Sur – Isang kasalukuyang nanunungkulang barangay captain ang himalang nakaligtas sa tiyak na kamatayan, matapos siyang barilin ng di kilalang suspek sa mukha at tumagos ang bala sa kaniyang tainga Sabado ng hapon sa Barangay Botol dito.

Sa ulat ni Col. Darnell Dulnuan, police director, kinilala ang biktkma na si Bgy. Captain Ruben Elefante, kumakandidatong barangay kagawad ngayon sa Bgy. Botol.

“Latest po ung biktima si brgy kap Elefante ay naoperahan at nasa mabuting kalagayan. Isa ang tama nito sa mukha at lumabas sa kaliwang tenga. Bale under investigation pa po kung anu ang motibo. Pero may mga nakikita kaming mga rason at yon ang hinihimay namin,” ani Dulnuan sa text message sa writer na ito.

Nagpahayag naman ng paniniwala si Vice Mayor Josefino Miranda na hindi politically motivated ang dahilan ng pamamaril, sapagkat hindi na tatakbong kapitan ang biktima kundi konsehal na lamang.

Bagamat tahimik ang coastal town na ito, pinulong ni Dulnuan ang kaniyang mga kapulisan na sina Lt. Honesto Lazo, ang kanyang deputy; Major Rodel Ularte; at Major Henry Garcia, ang chief ng Santiago police, para maresolba ang insidente ng pamamaril.