Taberna

Ka Tunying at Rossel, namudmod ng pa-raffle at giveaways sa mga tauhan

January 8, 2024 Ian F. Fariñas 187 views

Transformation journey ng mga empleyado bida sa annual appreciation party ng Taberna Group of Companies

Tatlong dekada na ang nakalilipas sa noo’y mahirap na bayan ng San Carlos, Negros Occidental, tila gumuho ang mundo ng noo’y grade 5 student na si Dixon Alfabete o Dodong sa kanyang mga kaibigan.

Mula sa isang hikahos na pamilya na tanging ina lamang ang bumubuhay, kinailangan ni Dodong na huminto sa pag-aaral at magtrabaho sa murang edad para tumulong sa pagtawid ng kanilang mga pangangailangan.

Dahil sa malungkot na kapalaran, maagang tinanggap ni Dodong na marahil ay wala na siyang pagkakataong umasenso.

Pero ilang taon ang lumipas, biglang umikot ang kanyang buhay nang makilala si Taberna Group of Companies (TGC) president/CEO at broadcast journalist na si Anthony “Ka Tunying” Taberna, na nagbigay sa kanya ng trabaho bilang salon assistant at family driver.

Nang magsara ang parlor, naging panadero naman si Dodong sa unang branch ng Ka Tunying’s restaurant sa Manila na binuksan noong 2015.

“Mula noon, tuluy-tuloy na ang pagganda ng buhay ko. Salamat kina Mr. at Mrs. T sa mga oportunidad. Hindi ko inakalang mula sa pagiging magsasaka at tricycle driver sa probinsya ay magkakaroon ako ng tsansang umunlad,” aniya.

Si Dodong ay isa lang sa daang empleyado ng TGC na masayang lumahok sa engrandeng production numbers sa annual employee appreciation party ng TGC na may temang “Ikaw ang Regalo Ko” noong Jan. 4.

Handog ni Ka Tunying at ng asawang si TGC vice president at chief operating officer Rossel Taberna o Mrs. T, ang taunang selebrasyon.

Inaabangan ito ng mga empleyado dahil sila ay may pagkakataong magbihis at mag-ayos nang bongga.

Hindi matatawaran ang generosity nina Mr. at Mrs. T sa gabing ito.

Sabi nila, ito ay “much deserved” ng kanilang mga tauhan na malaki ang ginampanan sa paglago ng kumpanya.

Buhos ang pasasalamat sa mga empleyado sa pamamagitan ng napakaraming raffle prizes at giveaways — kabilang na ang appliances, gift certificates, cash at frozen goods.

“Malayo na ang ating narating mula sa ating simpleng community bakeshop sa San Antonio, Nueva Ecija. Sa kasalukuyan ay mas marami na tayong platforms para sa ating Ka Tunying’s restaurant; mas maraming serbisyo mula sa ating 18-year-old events arm na Outbox Media (OBM) at may loyal fan base ang ating trending digital program na ‘Tune In Kay Tunying’ at dokumentaryong ‘Kuha All’,” sabi ni Mrs. T.

Ang Ka Tunying’s restaurant ay nag-diversify na rin sa toll manufacturing at distribution, habang ang OBM naman ay pumasok na sa multimedia production at digital content creation, sa loob at labas ng bansa.

“Hindi natin makakamit ang lahat ng ito kung hindi dahil sa sipag, dedikasyon, commitment at malasakit ng ating mga empleyado,” dagdag ng maybahay ni Ka Tunying.

Binigyang-diin naman ng brodkaster na lahat ng kanilang team members ay bahagi ng kanilang mga pangarap para sa kumpanya.

“Hindi kami nangangarap lamang para sa aming sarili, nangangarap kami para sa buong team. Kayo ang dahilan kaya itinuloy namin ang aming negosyo sa kabila ng sunud-sunod, patung-patong na pagsubok at problema. Kailanman ay hindi namin kayo tatalikuran,” ayon kay Ka Tunying.

“Sa TGC, hindi lamang tayo isang kumpanya. Tayo ay isa nang komunidad,” dagdag pa niya, bagay na sinang-ayunan ng kanilang mga anak na sina Zoey at Helga.

Kung pagbabasehan ang istorya ng tagumpay ni Dodong maging ng isang homeless na indibidwal na kinuha sa Ka Tunying’s bilang dishwasher pero ngayon ay naging chef na, malinaw na nasa sentro ng kwento ng TGC ang kanilang mga empleyado.

At sa patuloy na pagsulong ng TGC – sa pamamagitan ng kanilang limang palapag na building na under construction – kung saan magsasama-sama ang lahat ng TGC brands sa iisang bubong — makakaasa ang kanilang mga empleyado na patuloy din at pangmatagalan ang kanilang transformation journey.

AUTHOR PROFILE