Jomari

Jomari at Abby, napag-uusapan na ang kasal

October 17, 2021 Ian F. Fariñas 286 views

NAPAG-UUSAPAN na ng magdyowang Jomari Yllana at Abby Viduya ang pagpapakasal. ’Yan ang inamin ng dalawa sa isang virtual interview kahapon para sa kandidatura ng aktor-politiko sa ikatlo at huling termino bilang konsehal ng 1st district ng Parañaque City.

Ayon kay Coun. Jom, hindi na sila bumabata ni Abby kaya natural lang na napag-uusapan na rin nila ang kinabukasan ng kanilang relasyon o ang paglagay sa tahimik.

Aprub naman daw kay Jom ang mga taong malalapit sa dating Seiko jewel, na sinang-ayunan ng aktres.

Isa sa napansin ng press sa dalawa ay ang todong suporta na ibinibigay nila sa isa’t isa.

Kung si Abby ay suportado ang lahat ng desisyon ni Jom, maging sa mundo ng pulitika, si Jom naman, puring-puri ang ilang qualities ni Abby gaya na lamang ng kagalingan nito sa pagluluto.

Ayon kay Jom, magaling talagang magluto si Abby.

Ang ilan sa mga nabanggit niyang laging niluluto ng GF para sa kanya ay ang callos, pata tim, atbp.

Kaya naman sa husay ni Abby sa kusina, hindi raw malayo na magtayo na sila ng food business na pwedeng tawagin na “Luto ni Abby.”

Anyway, ngayong muli siyang sumabak sa public service, marami na naman siyang tinanggihan na proyektong pang-showbiz.

Kabilang na rito ang isang proyekto na napag-usapan nila nina Dondon Monteverde at Direk Erik Matti ng Reality Entertainment.

Katwiran ni Jom, “’Working for government has been a learning curve for me, reason why I purposely left showbiz so I could focus.”

Sobrang hands-on ang aktor-politiko sa pagbibigay ng serbisyo publiko at siya raw mismo ang nagpapatakbo ng kanyang opisina dahil hindi siya nag-hire ng chief of staff.

Lahat ng bagay, maging ang concerns ng kanyang mga nasasakupan, sa kanya dumadaan.

Aminado siya na doble challenging ang trabaho niya sa gitna ng pandemya kaya naman ang naging focus ng kanyang mga programa ay ang livelihood and recovery, medical care at edukasyon.

Bukod dito, si Jom ang tumatayong head ng council committees sa information technology, tourism at social services.

AUTHOR PROFILE