Joel

JOEL BAKA MAG-RETRACT

February 18, 2024 People's Tonight 96 views

Rep. Erwin Tulfo umaasa babawiin Villanueva mga salita

UMAASA si House Deputy Majority Leader for Communications at ACT-CIS Partylist Rep. Erwin Tulfo na babawiin ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang ginawa nitong pagmamaliit sa estado at kahalagahan ng mga miyembro ng Kamara de Representantes.

Bilang isang party-list representative, inamin ni Tulfo na nadismaya ito kay Villanueva na ang ama na si Bro. Eddie Villanueva ay isa ring kongresista bilang kinatawan ng CIBAC partylist sa sinabi nito na hindi dapat ikumpara sa mga senador ang mga kongresista dahil malayo ang agwat ng nakukuhang boto ng mga ito.

“I was really surprised kay (Sen. Villanueva), yung tatay niya si Bro. Eddie Villanueva is with us sa partylist coalition kaya medyo nagulat lahat ng members ng partylist and nag usap-usap kami last week bakit daw nasabi ni Joel Villanueva yun eh tatay niya nasa partylist din,” ani Tulfo.

Sa isang privilege speech, sinabi ni Villanueva na umaabot sa 15 milyon ang boto ng mga senador samantalang ang mga party-list at district representative ay ilang libo lamang kaya hindi umano dapat ikumpara ang apples sa oranges.

“E yung grupo nila na CIBAC is a partylist din, eh sa kanila ‘yun. So bakit, baka siguro nadala lang ng emosyon niya. Nagkaroon siya ng privilege speech I think ang pinapaliwanag niya it was just taken out of context. Pero malinaw kasi eh, na-quote siya, may mga camera naman,” sabi ni Tulfo.

“Siguro nadala lang siya ng emotion niya pero hopefully i-retract naman niya sana ‘yun kasi parang nakaka-insulto as being party-list representatives, we were not just put in the office by anybody, by some government official. We were also voted,” dagdag pa nito.

Ipinaliwanag ni Tulfo na sa isang eleksyon, 12 senador lamang ang ibinoboto kaya natural lamang na malaking boto ang makuha ng mga ito, hindi katulad ng partylist na mas marami ang bilang kaysa sa mga senador.

“Siguro kung 12 lang din ang pipiliin na partylist, I believe aabot din ang boto ng party-list sa 16… 20 million, I think so,” sabi ni Tulfo.

“Ilan ang grupo ng partylist dito, 30 mahigit, sila dose lang. Kung pagsama-samahin mo ‘yun siguro makukuha din ng 16 million (votes) ang isang partylist (group).”

Sinabi ni Tulfo na hindi pa nito nakakausap si Bro. Eddie kaugnay ng naging pahayag ng kanyang anak na senador.

“Eh being the Number 1 partylist in Congress right now, because we have three representatives, medyo apektado ang lahat, medyo masama ang loob. May mga district congressman nga gaya kahapon, nagsalita for the partylist. So what we are saying is pare-pareho naman tayong binoto ng tao,” wika pa ni Tulfo.

Maraming kongresista ang nadismaya sa naging pahayag ni Villanueva at ipinaalala ng mga ito sa senador na sila ang nilalapitan kapag eleksyon.

Sinabi ni Deputy Speaker at Quezon Rep. David “Jay-jay” Suarez na hindi makakalimutan ng mga kongresista ang sinabi ni Villanueva.

“Hindi tama ‘yung ginawa niyang pagmamaliit sa mga miyembro ng Mababang Kapulungan. Hindi tama ‘yung sinabi nyang district representatives lang kayo, partylist lang kayo, at kami nationally elected kami,” sabi ni Suarez.

“Hindi po tama ‘yun, especially where the bicameral system of the Legislative branch wherein were both co-equal … Ako ang motto ko na lang pagdating sa mga senador, ‘we will never forget,’” dagdag pa nito.

Ayon kay Suarez, mayroong totoong nasaktan ang maraming miyembro ng Kamara sa naging pahayag nito at nag-iisip na huwag na itong suportahan kapag muling tumakbo.

“Sinasabi nila, they have 15 million votes, sabi ni Sen. Joel. So be it kung ‘yun ang sa tingin niya. Pero alalahanin nya na ang Kongreso, ang mga congressman pagdating sa district, lagi nilang hinihingian ng tulong at darating ang araw hihingi siya (Villanueva) ng tulong,” sabi naman ni Ako Bicol Rep. Zaldy Co, chair ng House appropriations panel.

AUTHOR PROFILE