Default Thumbnail

Inukit ang DMW para kay Sec. Ople

May 3, 2023 Allan L. Encarnacion 581 views

Allan EncarnacionKUNG mayroon mang naging positibong resulta para sa atin ang kaguluhan sa Sudan, iyon ay ang pagpapatunay na ang “Team Philippines” ay lumulutang sa kagalingan sa ganitong mga pagkakataon.

Daan-daang Pinoy workers kasama na ang documented at undocumented ang pabalik na sa bansa matapos ang pagsisikap na ating mga Embassy officials, mga consulates, mga Labor attaches, DFA, OWWA at ang Department of Migrant Workers ni Secretary Toots Ople na ilikas sa nagkakagulong Sudan.

Habang nagkakalat ang mga nangangasiwa sa ating mga airports dulot ng blackout, kahit paano’y nagkaroon tayo ng konsuwelo sa mga opisyal natin na hindi pinabayaan ang ating mga kababayang naiipit sa giyera.

Hindi biro ang maglikas ng mga mamamayan mo sa isang lugar na umuulan ng bomba at bala. Idagdag mo pa ang mga buwitreng negosyanteng naningil ng US$10,000 hanggang US$30,000 para lang maisakay ang mga Pinoy workers sa isang bus na itatawid sa border ng Egypt.

Naikuwento pa ng isa nating kababayan sa radio interview nila Igan at Connie Sison sa DZBB na mistulang hinostage pa sila ng bus drivers na nanghihingi ng dagdag na bayad sa gitna mismo ng disyerto. Nang hindi maibigay ang sampung libong dolyar, ibinaba sila sa lugar na malayo sa Sudan-Cairo border.

Ganoon talaga kawalanghiya ang ibang tao, habang nasa kagipitan ka, lalo ka pang gigipitin!

Iba’t ibang kuwento ang dala ng mga dumating na OFWs, may masakit, may malupit, mayroon din namang mga positibo. Pero ang mahalaga ngayon ay ligtas na silang lahat at patuloy pang nagsisikap ang ating pamahalaan na maibalik ang iba pang naiwanan sa Sudan.

Congratulations sa ating mga magigiting na opisyal na namahala sa pagsagip sa ating mga kababayan sa gitna ng krisis.

***

Isa sa tingin nating malaking ginampanang papel ay ang kaibigan nating si Secretary Toots na mula’t mula ay kilala sa malasakit sa ating mga manggagawa. Kahit noong nasa pribado pa si Sec. Toots, sa pamamagitan ng Blas Ople Policy Center Training Institute, aktibo na siya sa pagtulong sa mga migrant workers.

Bagama’t lahat naman ng nasa contigent groups para sagipin ang mga kababayan natin sa Sudan ay may ginampanang mahalagang papel, pora sa atin ay standout si Ople dahil alam niya sa kanyang mga daliri ang problema at solusyon.

Nasubaybayan kasi natin si Sec. Toots sa kanyang mga pribadong pagkilos para sa ating mga OFWs na talagang consistent. Sarili niyang oras, sarili niyang opisina at sarili niyang pera kapag kumikilos, lalo na sa mga panahong kaiangan siyang konsultahin ng gobyerno sa mga nakaraan.

Nakapanghihinayang nga lang at hindi siya nanalong senador nang kumandidato noon. Pero mas maganda naman ang kanyang naging posisyon bilang pinakaunang kalihim ng bagong tatag na DMW. Inukit ata talaga ang departament para kay Sec. Ople.

Mas angkop sa kanya ang DMW secretary kaysa anumang posisyon dahil nga kabisado niya ang posikut-sikot ng problema.

Mabuhay ka Sec. Ople, manang-mana ka talaga sa tatay mo!

[email protected]