NDRRMC

Infra, agri damage ni Egay humataw na sa P5.4B

August 1, 2023 Cory Martinez 155 views

UMAABOT na sa mahigit P5.4 bilyon ang pinsala na dulot ng bagyong Egay at sa agrikultura at imprastraktura sa iba’t ibang rehiyon.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa P3.51 bilyon ang pinsala sa imprastraktura sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley at Calabarzon.

Samantala, tinatayang P1.96 bilyon ang pinsala naman sa agrikultura sa Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Mimaropa, Western Visayas, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at Cordillera Administrative Region (CAR).

Nasira naman ang 41,591 kabahayan na nagresulta upang maapektuhan ang 668,974 na pamilya sa 4,164 na barangay.

Sa mga apektadong ito, 13,718 na pamilya ang tinutulungan ng 736 na evacuation centers, samantalang 63,066 na pamilya naman ang tumatanggap ng tulong sa labas ng mga evacuation centers.

Umaabot na sa 25 ang mga namamatay. Bukod pa rito, mayroon ding 52 katao ang nasugatan. Mayroon ding ulat na 13 na mga nawawalang indibidwal.

Ayon sa Department of Agriculture (DA), apektado ng bagyo ang 123,274 na magsasaka at mangingisda sa ilang rehiyon.

Umaabot sa 147,063 ektarya ng lupa ang naapektuhan ng bagyo. Nagresulta ito sa pagkawala ng 86,975 metric tons (MT) ng produksyon ng iba’t ibang pananim tulad ng palay, mais mga halamang may mataas na halaga, mga hayop, manok, at isda.

Upang matulungan ang mga apektadong magsasaka at mangingisda, nagpaabot ang DA ng iba’t ibang tulong, kabilang ang binhi ng palay at mais, iba’t ibang uri ng binhi ng gulay, mga gamot para sa mga hayop at manok, at mga fingerlings tulad ng tilapia, carp at catfish.

Sa kaugnay na balita, umabot na sa 108 lugar sa anim na rehiyon sa Luzon ang isinailalim sa state of calamity dahil sa pagbaha dulot ng bagyong Egay.

Batay sa National Disaster Risk Reduction and Management Council, matatagpuan sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa at Cordillera Administrative Region (CAR) ang mga lungsod at munisipalidad na nasa state of calamity. By Cory Martinez at Zaida delos Reyes

AUTHOR PROFILE