Konsehal HUSTISYA–Tinitingnan ni Randy Carpio, 39, ang anak ng pinatay na si Konsehal Roberto “Amang” Carpio, ang labi ng kayang tatay habang nakaburol sa Purok 7, Brgy. Luyos, San Antonio, Nueva Ecija. Kuha ni Steve Gosuico

Info sa pagpatay sa konsehal di pa mailabas

February 11, 2024 Steve A. Gosuico 593 views

SAN ANTONIO, Nueva Ecija–“May info na tayo d’yan. Konting case build up na lang at makukuha din yan. Pasensiya na kayo at ‘di ko muna mailabas ‘yan.”

Ito ang sagot ni Nueva Ecija police chief Colonel Richard Caballero nang tanungin ng Journal Group kung ano ang development sa pagpatay kay Roberto “Amang” Carpio.

Hindi rin makapagbigay ng partikular na detalye ang hepe ng pulisya ng bayan na si Major Rommel Nabong.

Nauna nang nag-alok ng P.5 milyon reward si Mayor Arvin Salonga para sa anumang impormasyon na hahantong sa pagkakakilanlan at pag-aresto sa utak ng pagpatay sa konsehal.

Samantala, tumangging magkomento ang panganay na anak ni Carpio na si Randy, 39.

Hiniling niya na igalang ang kanilang privacy sa panahon ng kanilang pagdadalamhati.

Nagsabi ang bunsong kapatid ni Carpio na si Cornelio, alyas Unyok, na mayroon silang “hinala” pero ayaw nila itong “umugong” sa ngayon.”

Binanggit din ni Unyok na maaaring “inggit” umano ang pinag-ugatan ng pangyayari. “Hindi inaasahan mararating niya, walang taong nabigo sa kanya, lahat napagbigyan,” dagdag pa niya.

Bago patayin, nakatanggap na umano ng death threat si Carpio. Sinabi sa kanya na may nagbayad ng kanyang ulo kapalit ng P100,000. Naipatala ito ni Carpio sa police blotter noong nakaraang taon.

AUTHOR PROFILE