Default Thumbnail

‘Ikatlong digmaang pandaigdig na ba?’

October 15, 2023 Joey C. Papa 235 views

JoeyKailan lang ay nakausap ko ang isang dating seminarista at sinabing ang mga nagaganap ngayon ay nakasaad Banal na Aklat. The second coming daw.

Naalala ko tuloy si Brod Pete ng Bubble Gang sa isang segment nito na “ Bagong (?) Daan, na nakalimutan ko na ang titulo. Lagi niyang sinasangguni ang Bibliya sa mga katanungan sa kanya.

Magulo na raw ang daigidig ‘ika ng dating seminarista at hindi malayong magkaroon ng ikatlong digmaang pandaigdig. Tinanong niya ako kung sa tingin ko ba ay magkaka-3rd world war nga.

Pabirong sinagot ko ito nang hindi ako makatingin.

Inihabol ko ang seryosong sagot ko na sino ba ang makakahula kung magkakaroon ng giyera o hindi. Sa ngayon, nagpopormahan ang Tsina at EU.

Ang Israel at Hamas naman ay nag-uupakan na.

Patuloy pa rin ang digmaan ng Russia at Ukraine.

Magulo nga naman.

Dahil sa mga balitang kaguluhan, labanan, patayan, bukod pa sa mga delubyong dulot ng pagsira ng kalikasan; malawakang pagbaha at sunog, pagguho, atbp, marami na ang nag-aalala sa kalagayan ng mundo.

Nakakapag-alala nga naman.

Ang mahalaga lang sana ay hindi masangkot sa kaguluhan ang Pilipinas. Pero posible ba ito?

Patuloy ang panduduro ng Tsina sa mga barko ng Philippine Coast Guard at sa mga mangingisdang Piipino.

Kung biglang may maghuramentado sa mga mangingisda na ang tanging pinagkukunan ng kanilang kabuhayan ay ang yamang-dagat na matagal na nilang pinangingisdaan bago pa makialam ang Tsina sa West Philippine Sea, at ibangga ang maliit na bangka nito sa dambuhalang barko ng Chinese Coast Guard, puwede kayang pagsimulan na ito ng isang digmaan?

Palagay ko’y hindi agad mangyayari ito. Maraming mga pagkilos pandiplomasya ang tiyak na gigitna rito. Unang-una ay sinadya ba ang pagbangga? Maraming mga kasagutang dapat sagutin.

Halimbawa lang ang ibinigay ko dahil ‘yang pangbu-bully ng Tsina ay nakapagpapaipon ng galit ng mga Pilipino. Hindi naman puwedeng mabuhay ang mga Pinoy na may isang bansa na tila nilalagyan lagi ng sili ang kanilang mga puwit at hindi na ito papalag kahit kailan.

Masyado na tayong mabait kung gano’n.

Ang nangyari sa Israel at at Hamas ay wala nang panduduro o bullying. Pasorpresang sumalakay agad ang grupo ng Hamas sa Israel. Nagulat ang Israel at nasira lahat ang kanilang security measures. Naisahan sila. Ang tawag do’n ay guerilla tactic.

Hindi natin sakop ang pag-iisip ng mga kababayan nating mga Pinoy at mga sundalong pandagat kung hanggang kailan ito makapagtitimpi. Hindi lahat ng oras ay kalmado ang mga Pilipino.

Kaya sa tanong sa ng seminarista kung magkakaroon ng ikatlong digmaang padaigdig, palagay ko’y walang makasasagot niyan at mahirap ding sagutin.

May nakahula ba sa ginawang pagsalakay ng Hamas sa Israel?

Kailangan na lang laging maging handa sa anumang maaaring puwedeng mangyari. At sabayan natin ng matinding panawagan sa Dakilang Lumikha ng lahat na iligtas ang mundo sa anumang delubyo.

Harinawa. ([email protected])

AUTHOR PROFILE