Default Thumbnail

Huwag magpabudol sa bentahan ng lupa

November 18, 2023 Magi Gunigundo 187 views

Magi GunigundoMAYROON tatlong prinsipyo sa pagpaparehistro ng pag-aari ng lupa sa Torrens system. Una, ang “indefeasibility” ng rehistradong titulo. Walang interes na taliwas sa rehistradong may-ari ang kikilalanin kung hindi ito nakasaad sa Torrens Title. Ikalawa, ang “mirror principle.” Ang sertipiko ng titulo ay konklusibong ebidensiya ng mga nakatalang interes sa lupang nakatala sa sertipiko at ng pagtukoy ng hugis at sukat ng lupa mismo. Ikatlo, ang titulo sa pamamagitan ng pagpaparehistro. Batay sa Seksyon 50 ng Act 496 at Seksyon 51 ng PD 1529 ang pagpaparehistro ng katibayan ng kasunduan, dokumento ng sangla, pagpapaupa at iba pang boluntaryong instrumento, maliban na lang sa isang “last will and testament,” ang magbibigay bisa sa pagsasalin o paglilipat ng pagmamay-ari o pagkilala ng interes ng ibang tao na tatali sa buong mundo, pati na sa gobyerno. Marami ang hirap unawain ang unang prinsipyo.

Ayon sa Seksyon 32 , PD 1529 pagsapit ng isang taon mula ng maitala ng Register of Deeds ang utos ng hukuman na maglabas ito ng Original Certificate of Title (OCT) sa pangalan ng nagtagumpay na aplikante ng pagpaparehistro ng lupa, ang OCT ay hindi na kailanman maaaring gambalain o gapiin. Ngunit ang prinsipyong ito ay hindi ganap o lubos.

Ang OCT ay indefeasible kung walang naunang titulo na sumasaklaw sa parehong lupa. Sa Register of Deeds v PNB ( GR # L-17641 Jan 30,1965) si Datu Binasing ay pinagkalooban ng OCT noon 1935 at pagkaraan nito ay binenta niya ang lupa kay Soleda Teruel at naglabas ang Register of Deeds ng mga Transfer Certificate of Title dahil sa ipinatalang kasunduan ng bilihanng lupa. Dahil sa World War II, nasunog ang mga rekords ng Register of Deeds. Kaya naman noon 1947, si Datu Binasing ay nakakuha ng certified true copy ng kanyang OCT at sa kanyang pagmamarali na wala siyang kopya ng orihinal , naglabas ang RD ng bagong OCT s kanyangpangalan. Ito naman ay isinangla ni Datu Binasing sa PNB pagkaraan umutang ng P10k. Narimata ng PNB ang lupa dahil hindi na nabayaran ang utang. Samantala, naghain si Teruel ng petisyon ng rekonstitusyon ng kanyang TCT dahil nga nasunog ang rekords ng RD. Ng matuklasan ng RD na dalawa ang Certificate of Title na naisyu sa magkaibang tao (Teruel at Datu Binasing), naghain ang RD ng petisyon sa hukuman upang kanselahin ang OCT na inilabas sa ngalan ni Datu Binasing noon 1947. Kinansela ng hukuman ang OCT ni Datu Binasing. Sinabing Mataas na Hukuman na ang OCT para kay Datu Binasing, na inilabas noon 1947, ay daig ng TCT na hawak ni Teruel noon pang 1938.

Ang OCT ay hindi maaaring magbigay ng karapatan na ariin ang mga lupang hindi maaaring iparehistro tulad ng ilog at saluysoy ( Martinez v CA [1974]) at pampubikong kalsada( Ledesma v Municipality of Iloilo 49 Phil 769). Walang kapangyarihan ang hukuman na duminig ng aplikasyon ng pagpaparehistro ng mga lupain bawal iparehistro dahil ito ay pag-aaari ng Estado ( Dizon v Rodriguez GR # L-20300-01 Abril 20,1965). Dahil dito , maaaring atakihin ang titulo Torrens ano man oras sapagkat walang taning na panahon ang nakatakda sa batas upangbawiin ang mga lupain pag-aaari ng Estado. (Republic v Ramona Ruiz GR L-23712, Abirl 29, 1968).

Ang OCT ay maaari rin atakihin o madaig kung may panloloko o panlilinlang na naganap upang makuha ang titulo ( Bornales v IAC [1988])

Ang saklaw lamang ng prinsipyo ng indefeasibility ay ang OCT, hindi nito saklaw ang mga sumunod na TCT na inilabas pagkaraan magbenta ng lupa. (Arguelles v Timbangcaya GR # L-29052 July 30, 1976).

Huwag maging panatag ang loob kung sakaling pakitaan kayo ng OCT o TCT. Para hindi maloko ng kausap na nagbebenta o nagsasangla ng lupa, huwag makuntento sa pagbasa ng titulong lupa ipinapakita sa inyo ng kausap. Suriin maigi ang dokumento; magtungo sa RD para makakuha ng certified true copy nito at tingnan ang day book kung may nakatalang interes na kontra sa interes ng nagbebenta o nagsasangla; magtungo sa lupa mismo at kausapin ang nakapuwesto doon at magtanong kung bakit sila naroon at kung sino ang may ari ng lupa sap agkakaalam nila.( Mamerto Dy v Aldea , GR 219500 Aug 9.2017). Huwag magpabudol sa bentahan ng lupa.

AUTHOR PROFILE