Default Thumbnail

Seryoso ang problema sa pag-hack sa Covid19 database

November 18, 2023 Marlon Purification 144 views

Marlon PurificationMISMONG Department of Informations and Communications Technology (DICT) ang nagkumpirma na na-hack ang database ng Covid 19.

Ang database ay naglalaman ng pangalan, address, birthday, cellphone number, email address, blood type at medical history ng mga taong nagpaturok ng bakuna kontra coronavirus disease noong pandemya.

Pati na kopya ng mga government IDs, school IDs ng mga bata na kasama sa hiningi ng gobyerno noong nagpapalista tayo bago maka-avail ng bakuna ay ninakaw ng mga hackers.

Nasa ‘dark web’ na ito, ayon pa sa Department of Information and Communications Technology (DICT).

Kung hindi pa sa DICT, malamang ấy naitago na ito nang tuluyan ng Department of Health (DoH.

Dahil sa nangyaring hacking, hindi malayong sumambulat ang ‘identity theft’ na maaaring ikasira ng isang indibiduwal o ikalagas ng mga iniingatan nilang ari-arian.

Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, walang dapat ipag-alala sa nangyaring hacking sa Covid 19 database.

“The DOH assures the public that the mechanisms are in place to ensure that the confidentiality of data and it has taken steps to further reinforce the security of data systems managed by the DOH through our Knowledge Management and information Technology services,” ani Herbosa.

Para sa akin, hindi dapat makuntento si Herbosa sa mga ganitong uri ng pahayag.

Dapat ay masundan ito ng masinsinang imbestigasyon kung bakit nagkaroon ng ganitong uri ng hacking.

Bilang namumuno ng DOH, responsibilidad niyang malaman kung gaano kaligtas ang mga itinatago nilang mahahalagang impormasyon ng mga pasyente o ng ating mga kababayan.

Dahil kung magma-motherhood statement lamang tayo na ‘everything is okay,’ kahit hindi naman talaga okay ay pangit itong tingnan at malalagay tayo sa matinding kapahamakan.

Ayon kay DICT spokesman Atty. Aboy Paraiso, wala sa jurisdiction ng kanilang tanggapan ang WHO kaya hirap sila makakuha ng iba pang impormasyon kung gaano kalalim ang epekto ng nangyaring pag-hack.

“Our capability is limited because from all indications, this is an international organization that was hacked and our jurisdiction is very limited. As far as we can say, it’s all Covid 19 related informations,” dagdag pa ni Paraiso.

Ayon sa security analyst na si Carla Cruz, 180 million data sets ang na-hack at ngayo’y nasa dark web.

“This is bigger that Comeleaks, This is bigger than Philhealth (hacked). This is big and this is the biggest I think because it includes children. It includes pediatrics. I mean this is so detailed,” sabi pa ni Cruz.

Isa sa nakatatakot sa sitwasyong ito, ultimo mga credit cards na nakuhaan ng impormasyon ay magagamit ng sindikato.

Bukod dito, posibleng magamit sa iba pang krimen ang mga detalye at impormasyon na nakuha sa hacked.

Ang tanong ngayon, sino ang dapat managot sa nangyaring ganitong kabayaan?

Paano na kung tuluyan ngang masira ang pagkatao ng ating mga kababayan dahil sa kagagawan ng hacking?

Umaasa tayong bukod sa masusolusyunan ito ay may taong dapat managot dahil mga security analyst na ang nagsabi na mas malaki ang Covid 19 data hacked kumpara sa dating sumambulat na ‘Comeleaks.’