Covid19

Huwag mag-panic

May 5, 2023 People's Tonight 330 views

DUMADAMI na naman ang mga nagkakasakit ng kinatatakutang coronavirus disease (COVID-19) sa bansa, lalo na ang heavily-populated Metropolitan Manila (MM) area.

Kaya nga inabisuhan na ng Department of Health (DOH) ang mga pagamutan na ihanda na ang COVID-19 beds sakaling tumaas pa ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit na ito.

Pero hindi daw dapat mag-panic ang taumbayan dahil karamihan sa mga kaso ay mild at asymptomatic at wala ring masyadong nao-ospital, ayon kay DOH Undersecretary Ma. Rosario Vergeire.

Sinabi pa ni Secretay Vergeire na ang pagtaas ng COVID-19 cases ay malamang dahil sa mga lumalabas na bagong variant ng sakit na pinaniniwalaang galing ng bansang China.

Ganunman, kahit pa sinabi ng mga otoridad na huwag tayong mag-panic dahil manageable pa naman ang sitwasyon, huwag na huwag tayong magpakampanti dahil iba ang COVID-19.

Tandaan natin na ubos ang pera ni Juan dela Cruz dahil ginamit ng gobyerno ang perang ito para lang makontrol ang pagkalat ng sakit na ito na pumatay ng maaming tao sa buong mundo.

Hindi na dapat bumalik pa ang mga crippling COVID-19 restriction sa Pilipinas para tuloy-tuloy na ang pagbangon ng ating ekonomiya pagkatapos ng dalawang total lockdown sa bansa.

Baka mahihirapan na tayong bumangon dahil sa kakulangan ng manpower at financial resources ng ating gobyerno.

Kaya tama lang na paghandaan natin ang posibleng pagsipa pa ng bilang ng mga tinatamaan ng COVID-19.

Huwag ding pabayaang magsamantala na naman ang mga walang pusong hoarders at profiteers habang abala ang mga otoridad sa pag-address sa health problem na ito.

Hindi ba, Vice President Sara Z. Duterte?

AUTHOR PROFILE