Default Thumbnail

Huwag mag-atubiling bumoto sa BSKE

October 28, 2023 Magi Gunigundo 185 views

Magi GunigundoTULOY na tuloy na sa Lunes, Oktubre 30, 2023, ang halalan ng mga opisyales ng Barangay at Sangunian Kabataan (BSKE) sa 42,000 barangay ng Pilipinas.

Dalawang beses na itong pinagpaliban ng Kongreso mula 2017. Ang BSKE, na nakatakda sa ikalawang lunes ng Mayo 2020, ay nilipat sa Disyembre 5,2022 ng RA 11452. Inutos rin ng batas na ito na ang susunod na BSKE ay gaganapin sa unang lunes ng Disyembre 2025, at kada ikatlong taon mula dito. Hindi nagtagal, ipinasa ang RA 11935 na nilipat ang halalan ng BSKE ng Disyembre 5,2022 sa Oktubre 23,2023. Bagamat idineklara ng Korte Suprema, sa Makalintal v Comelec at Hidalgo vs. Executive Secretary, nawalang bisa ang RA 11935 dahil labag ito sa Konstitusyon, praktikal na ituloy ang BSKE ngayon Oktubre 30,2023 ngunit dalawang taon lang magsisilbi ang mananalo dito at ang susunod na BSKE ay sa unang lunes ng Disyembre 2025 na batay sa muling binuhay na batas, ang RA 11452. Huwag mag-atubiling bumoto sa BSKE.

Sa desisyon sa nasabing mga petisyon ng mga abodadong Macalintal, Hidalgo at mga kasama, tinukoy ng Korte Suprema ang mga mahahalagang punto:

Una, ang malaya at makabuluhang paggamit ng karapatang bumoto ay protektado at ginagarantiyahan ng Konstitusyon, at nangangailangan ng pagdaraos ng tunay na pana-panahong halalan na dapat isagawa ng may agwat na hindi masyadong mahaba, upang matiyak na ang awtoridad ng pamahalaan ay patuloy na pinanariwa ng malayang pagpapahayag ng kagustuhan ng mga botante.Ang pagpapaliban ng halalan ay eksepsyon at dapat ay may mabigat, malinaw at matibay na dahilan, tulad ng pampublikong emergency sa kalusugan.

Pangalawa, walang kapangyarihan ang Commission on Elections na ipagpaliban ang halalan sa buong bansa. Ang kapangyarihang ito ay nasa Kongreso alinsunod sa (i) kapangyarihan nitong plenaryo na magbatas, at (ii) ang kapangyarihan nitong ayusin ang termino ng panunungkulan ng mga opisyal ng barangay sa ilalim ng Artikulo X, Seksyon 8 ng Konstitusyon.

Ikatlo, nilalabag ng RA 11935 ang kalayaan sa pagboto dahil nabigo itong matugunan ang mga kinakailangan ng sabtantibong aspeto ng “due process clause” ng Konstitusyon at pinipigil nito ang karapatan ng mamamayan na pumili ng pinuno sa regular na panahon.

Ang mga dahilan tulad ng pagkapagod sa halalan, na diumano’y nagreresulta ng pagkakahati-hati, ikli ng kasalukuyang termino, at iba pang mababaw o nakakatawang dahilan, nang nag-iisa, ay maaaring hindi magsilbi bilang mahalaga, malaki, o mapanghikayat na mga dahilan upang bigyang-katwiran ang pagpapaliban ng mga halalan. Upang maging sapat na mahalaga, ang dahilan para sa pagpapaliban ay dapat na pangunahing makatwiran sa pamamagitan ng pangangailangang pangalagaan ang karapatan sa pagboto o iba pang pangunahing mga karapatan o kinakailangan ng isang pampublikong sitwasyong pang-emerhensiya

Sa nakalipas na sampung araw na lantarang kampanya,masigla ang magkakatunggali na maglibot sa nasasakupang barangay upang makadaupang palad ang mga botante. Tadtad ng mga poster at tarpaulin ang lahat ng sulok.

May mga motorcade at caucus sa gabi. Nagdaos din ng mga watchers orientation.Para lumakas ang mahinang kandidato, buo ang puwersa ng mga dinastiyang politikal sa pagsama sa kanilang mga manok sa kampanya. Pati nga mukha ng isang senador kasama pa sa tarpaulin ng mga kandidato sa Barangay at SK. Tahasan paglabag ito sa utos ng batas na dapat walang partido politikal sa barangay dahil hindi dapat umiiral ang kulay kulay sa pagsisilbi sa pinakamaliit na unit ng lokal na pamahalaan. Tuwang tuwa naman ang mga botante sa pagbaha ng AICS, TUPAD at SAP kahit na may kaltas ang tinatanggap dahil ang iniisip ay napabuti sila sa kaunti kesa daw sa wala.Ayos lang na dorobo ang Kapitan at Kagawad na manok ng masibang dinastiyang politikal. Nakakaligtaan ng mga pinagwalis at pinag sumite ng requirements na mas malaki pa ang napunta sa naglista sa kanila kesa sa sinahod nilang ayuda. Namamayagpag ang mga magnanakaw sa pamahalaan kasi kauri nila ang bumoboto sa kanila sa puwesto. Ang ganyang kaisipan at pamamaraan ang balakid sa pag-unlad ng Pilipinas na mahihirapan ng makaahon sa pagiging kulelat sa edukasyon at sa sigla ng ekonomiya. Nabubuhay sa ngayon,walang pakialam sa bukas ng apo nila ang mga botante na mga suki ng dinastiyang politikal. Tuloy ang progreso at pagyaman ng nakaupong mga tuta ng dinastiyang politikal samantalang naiwan sa kahirapan ang mga maralitang botante na nagpadala sa emosyon.

Mahalaga ang pagdaraos ng regular na BSKE sa isang demokrasya. Ito ang nagpapaalala sa mga Kapitan, Kagawad at SK na ang posisyon ay pahiram lang sa kanila ng taong bayan. Isantabi ang maling pananaw na kahit sino naman ang umupo ay walang magbabago sa buhay ng mahihirap.

AUTHOR PROFILE