Default Thumbnail

Hindi talaga mauubos basura sa Manila Bay

September 20, 2022 Paul M. Gutierrez 1129 views

PaulLUMITAW muli ang mga pangit na tanawin sa Manila Bay matapos ang sunud-sunod na sama ng panahon.

Tulad ng dati, inaanod pa rin ang mga basura dito kaya naman puspusan muli ang paglilinis at nagtawag pa nga ng clean up drive para dito.

Matapos itong linisin at pagandahin ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) sa pangunguna siyempre ni dating DENR Usec. Benny Antiporda nakakalungkot na tila unti-unting bumabalik ang dumi dito.

Hindi lamang ito sa panahon ngayon ng tag-ulan at sama ng panahon, pero napansin na natin noon pa man ang pagiging malamya ng kasalukuyang pamunuan sa paglilinis dito.

Pero ang mas nagiging problema ngayon ay ang palagian na lamang pagdumi ng Manila Bay tuwing may sama ng panahon kung saan dito inaanod ang mga basura.

Isa lamang ang ibig sabihin nito na tuluy-tuloy pa rin ang pagdudumi sa Manila Bay. Ibig sabihin wala ring konkretong ginagawa ngayon ang DENR at maging ang mga lokal na gobyerno na nakapalibot dito para masigurong malinis ang kabuuan nito.

Hanggang ngayon, mula nang maupo ang bagong pamunuan ng DENR, hindi pa tayo nakakakita ng konkretong aksyon sa paglilinis ng Pasig River. Tandaan natin na ang mga basurang inaanod sa ilog na ito ay dumidiretso sa Manila Bay. Kaya hanggang hindi nalilinis ang Pasig River hindi rin natin malilinis ang Manila Bay.

At anu-ano naman ang ginagawa ng DENR upang pangunahan ang pagtitiyak na nagiging malinis ito? Wala po tayong nakikita na aksyon o pangunahan man lang sa tulong ng mga lokal na gobyerno na matiyak ang kalinisan nito.

Sa tutuusin lamang po, tanaw po sa bintana ng National Press Club na katabi lamang ng Pasig River ang mga basura inaanod dito. Nakakalungkot dahil tila hindi ito lubhang napapahalagahan at hindi nakikita ang potensiyal nito.

Dahil maliban sa basura, kung malilinis mabuti ang Manila Bay ay malaking potensiyal din ito para sa transportasyon at siympre, sa turismo.

Kung mapapakinabangan ito, mas makakatulong ito sa mga mamamayan na makaiwas sa trapiko.

Oo, mayroon tayong mga ferry station pero maliban sa kulang ang mga biyahe nito na kailangan mo pang mahintay ng mahigit 30 minuto kung maiwanan ka ng ferry ay hindi sa mga estratehikong lugar nakalagay ang mga istasyon nito.

Kaya naman hindi ito nagiging popular sa mga mamamayan dahil sa ganitong katangian ng Pasig River na maliban sa madumi ay talaga namang hindi nagiging kaaya-aya sa mga pasahero.

Habang hindi nakikitang problema ang Pasig River at hindi nagagawang mabuti ng DENR ang kaniyang trabaho, hindi po magiging malinis ang Manila Bay. Magsasawa tayo ng mga clean up drive pero mananatiling band-aid solution lamang lagi ito.

Hindi na nga natin mabilang kung nakailang clean up drive na ang Manila Bay pero nananatiling marumi pa rin.

Maraming dahilan na maaari tayong sabihin pero hindi maiaalis na sa huli trabaho pa rin ito ng DENR na matiyak na gumagana ang mga batas at ahensiya ng gobyerno na nagsisiguro sa kalinisan hindi lamang ng Manila Bay.

Kailangang palakasin ng DENR ang mga pangmatagalang programa kasama ang mga lokal at ahensiya ng gobyerno na nakapalibot sa Manila Bay kung gusto nitong matiyak na kung hindi man agarang malinis ay unti-unting masolusyunan ang polusyon dito.

Kung hindi magawang masiguro ng DENR ang kalinisan sa Manila Bay pa lamang, paano na kaya ang kalagayan ng kalinisan ng buong Pilipinas na nasa mandato nito?

AUTHOR PROFILE