Isko Mayor Isko Moreno

Hindi na ‘malapitan’

March 1, 2022 Marlon Purification 420 views

Hari ng Caloocan

MARAMI ang nadismaya matapos kanselahin ni Caloocan Mayor Oca Malapitan ang permit ng campaign motorcade ni Presidential Candidate Isko Moreno ngayong unang araw ng Marso.

Nabatid na maagang naisaayos ng kampo nila Moreno ang nasabing permit sa pamahalaang lokal ng Caloocan, sa pangunguna ni Aksyon Demokratiko campaign strategist Lito Banayo, ilang araw bago pa ang nasabing motorcade.

Kung kailan malapit at kinabukasan na ang motorcade, biglaan na lamang binawi ni Malapitan ang permit para dito sa dahilang bubugso raw ang trapik sa buong Caloocan dahil sumailalim na ang Metro Manila sa COVID-19 Alert Level 1.

Ikinabigla ito nila Moreno dahil maayos nilang inilapit ang permit kina Malapitan para magkaroon ng patas, makabuluhan at masayang panunuyo sa mga botante at mga supporters nito sa Caloocan.

Hindi man katanggap-tanggap ang ginawa ni Malapitan na ngayon ay tatakbong congressman ng lungsod pero taas noo at kalmadong nagpahayag ng saloobin si Moreno para sa mga sumusuporta sa kanya sa Caloocan.

“Bibigyan ko ng laya ang taumbayan na makapili ng taong iboboto. Kaya para sa lahat ng mga kandidato, sa Maynila welcome kayo!,” ang ani ni Moreno.

Dagdag pa niya, hinding-hindi nila hihingan ng permit ang kahit anong campaign related activities ng mga tatakbo sa eleksyon sa Maynila.

Hindi pa rin maitatanggi na galit na galit ang masa dahil sa istilo nila Malapitan laban kila Moreno.

Matatandaan na pinayagan ni Malapitan magkaroon ng caravan sila BBM at Sara noong ikalawang linggo ng Pebrero kung saan nasa ilalim pa ng COVID Alert Level 2 ang Metro Manila.

Siksikan at sobrang bigat ng trapiko sa Caloocan noong panahon na iyon ngunit hindi naman ito ininda ni Malapitan.

Maraming tumutol sa ginawa ni Malapitan kina Isko Moreno at Doc Willie Ong, mala “No Permit, No Entry” na ang mga kandidatong naglalayon ng malinis na eleksyon sa bansa. Maraming napapaisip na maaaring ang pagkansela ng permit ay dahil sa pagtakbo ng katunggali ni Malapitan na si Edgar Erice sa partido ni Moreno bilang congressman ng Caloocan.

Nagtataka din ang marami na maaaring natatakot sila Malapitan dahil makilala ng mga taga-Caloocan ang bagong istilo ng pamumuno ni Erice na mas mabuti ang plataporma kaysa sa kanyang mga katunggali.

Masalimuot man ang pagtrato sa Caloocan, welcome na welcome naman sila Moreno sa Malabon. Ipinakita ng mga nakaupong pinuno ng Malabon ang tamang istilo ng pamumuno na maaring ikaangat nila sa eleksyon.

Magkalaban man o katunggali, dapat patas at bukas palad ng mga nakaupo para sa lahat ng kandidatong manunuyo sa taong bayan.