Pokwang3

Hindi karma ang maging hiwalay — Pokwang

July 11, 2022 Vinia Vivar 293 views

Kinumpirma mismo ni Pokwang ang hiwalayan nila ng American actor na si Lee O’Brian.

Sa Instagram post ng komedyana last Sunday, inamin niyang seven months na silang hiwalay ng ama ng kanyang anak na si Malia pero maayos at mapayapa raw ang kanilang hiwalayan.

“Yes it’s been seven months since tapusin namin ni papang ang lahat, pero maayos at mapayapa, at bilang magkaibigan na lamang mas nagagampanan namin ang mga tungkulin bilang magulang ni Malia, natapos man ito sa di inaasahang panahon hindi dito hihinto ang pagiging nanay ko sa mga anak ko. at mas lalo kong minahal ang mga biyayang sakin ay binigay ng panginoon,” pahayag ni Pokwang.

Kasunod nito ay nagpasalamat siya sa nayamapang inang si Gloria Subong na naging inspirasyon niya sa pagiging isang matatag na ina.

“Ikaw aking nanay Gloria ang aking inspirasyon sa pagiging matatag at matibay na nanay. salamat sa iyo at alam kong lagi kang nakagabay sa amin ng mga apo mo kaya ni minsan at kailan man di ka mawawaglit saking mga dasal,” aniya.

Nagbigay din ng mensahe si Pokwang sa mga single mom na katulad niya at sinabing hindi karma kung nahihiwalay man sa isang karelasyon.

Ito ay bilang sagot na rin sa isang basher na nagsabing nakarma siya.

“Sa mga single parent na kagaya ko hindi karma ang natapos na pagmamahalan kundi mas pinapatatag ka at pinaghahanda ka sa mas magaganda at mas maraming biyaya. hindi karma ang mabiyayaan ka ng mga anak na nagpapasaya at nagpapangiti sayo araw araw at dahilan ng pagsisikap mo sa buhay,” mensahe ni Pokwang.

AUTHOR PROFILE