Default Thumbnail

Hindi basta dapat paniwalaan

September 6, 2021 Paul M. Gutierrez 342 views

Paul“MAGANDA” ang ginagawang imbestigasyon ng Senado hinggil sa mga pondong natanggap ng Department of Health (DOH) at iba pang mga ahensiya noong nakaraang taon kung saan “subsob” tayong lahat dahil sa pandemyang dulot ng COVID-19.

Ang imbestigasyon ay inilunsad ng Senate Blue Ribbon Committee sa ilalim ni Sen. Dick Gordon matapos lumabas ang report ng Commission on Audit (COA) sa DOH kung saan sinabi na bilyones ang “hindi maipaliwanag” kung saan ito napunta at paano ito nagastos.

Totoong “saludo” tayo sa SBRC, sa ilalim ni Sen. Dick, dahil personal tayong saksi kung paano niya “himayin” ang ano mang kontrobersiya. Kumbaga, hindi nag-iimbestiga si Sen. Dick nang walang kaukulang paghahanda sa ano mang pagdinig.

‘Yun nga lang, papalapit ang eleksyon, maraming miron ang nakakapansin na “nakukulayan” na ng pulitika ang mga tanong at katsang, ehek, hirit ng ating mga senador, kasama na si Sen. Dick.

Kumbaga, nauuwi sa ‘grandstanding’ at “paghahanap” ng “guilty” ang usapin kahit pa sinabi mismo ng COA na “hindi” pa ‘final’ ang kanilang report at wala rin silang kongklusyon na “dinukwat” ni Sec. Francico Duque at kanyang mga kapanalig sa DOH at Palasyo ang pinagtatalunan ngayong higit P60 bilyon kuwarta.

Na puwedeng malakas, ehek, malaki, ang tama ng mga tamang hinala sa ginagawang pagdinig ng Senado sa nagiging direksyon ng pagdinig ay mayroon namang batayan.

Eh, bakit ba hindi, samantalang karamihan sa mga nagtatanong, kasama na si Sen. Dick, ay mga ‘re-electionist’ sa halalan sa susunod na taon.

Sa panig pa nga ni Sen. Dick, batid ng karamihan na “balak” din niyang tumakbo sa mas mataas na posisyon sa susunod na taon—Presidente na agad ng bansa!

Higit isang dekada na rin naman tayong ‘naka-assign’ d’yan sa Senado, mga kabayan. At kahit pa nga ‘virtual hearing’ lang ngayon, eh, medyo “ramdam” na natin kung “nagpapapogi” lang sa publiko o sadyang gustong malaman ng isang senador ang katotohanan.

Sa maraming pagkakataon? Papogi lang, dear readers, partikular pa nga at malapit na ang eleksyon.

Kaya nga, ano mang mga nasasaksihan ngayon ng publiko sa mga pagdinig sa Senado at Kamara, eh, mag-isip kayong mabuti mga kabayan, hane?

Kapani-paniwala ba talaga o dapat pagdudahan?

Ano sa palagay mo, People’s Tonight ‘die hard’ Antonio Foz Jr.?

AUTHOR PROFILE