Default Thumbnail

Higit 11K katao apektado kay ‘Betty’ – NDRRMC

May 30, 2023 Zaida I. Delos Reyes 129 views

UMAKYAT na sa 11,264 katao na katumbas ng 2,859 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong “Betty” sa 55 barangay sa Caraga, Central Luzon, Western Visayas, at Cordillera Administrative Region o CAR.

Batay sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC umaga ng Mayo 30, 2023, nasa 3,483 katao o 877 pamilya ang pansamantalang nanunuluyan sa 21 evacuation centers habang 381 katao o 112 pamilya ang lumikas sa ibang lugar.

Dalawang bahay din sa Central Luzon ang iniulat na nasira.

Nasa 104 domestic flights at 17 international flights din ang kinansela sa National Capital Region (NCR) dahil sa bagyo.

Umabot din sa 222 pasahero at 122 rolling cargoes ang na-stranded dahil sa pansamantalang pagpapatigil sa operasyon ng 47 seaports sa Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas at Eastern Visayas.

Nasa 254 klase sa eskwelahan at 80 work schedules ang sinuspinde dahil pananalasa ng bagyo.

Sa pinakahuling ulat, sumampa na sa P1,897,764 halaga ng tulong ang naipamahagi sa mga naapektuhan ni Betty.

Nakapagtala din ang NDRRMC ng power interruption, landslides at mga nasirang bahay.

Sa Arakan, Cotabato, isang highway ang isinara matapos matabunan ng gumuhong bato at lupa.

Apat na bahay din ang nasira dahil sa malakas na hangin sa General Santos City. Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente.

Sa Baler, Aurora, apat na bahay din ang nawasak dahil sa storm surge at high tide.