Harinawang maresolba na ang smuggling
BAGAMAN hindi pa nailalabas ng Bureau of Customs ang detalye ng ‘anti-smuggling accomplishments’ nito para sa kabuuan ng 2022, naniniwala tayong aabutin ito ng bilyon-bilyong halaga.
Sa ating datos, noong 2021, umabot sa higit P28 bilyon ang nakumpiskang smuggled goods ng Aduana, sa termino ni Comm. Rey Leonardo ‘Jagger’ Guerrero, ang ‘banner year’ ng gobyerno kung paglaban din lang sa smuggling ang pag-uusapan.
At siyempre, bilang dating director the ‘ESS’ (Enforcement Security Service/Customs Police) kasama si Comm. Yogi Filemon Ruiz sa dapat bigyan ng kredito dahil isa ang ESS sa aktwal na nagtatrabaho sa paglaban sa smuggling.
Eh, “bakit” natin nasabing ‘level-up’ na rin ngayon ang smuggling kahit pa kaliwa’t-kanan ang operasyon ng BOC laban sa smuggling, tanong mo ba Deputy Commissioner for Intelligence (DCI), Juvymax Uy?
Eh kung katulad ng ating mga miron ay “masipag” lang kasi ang gobyerno sa ‘pag-browse’ sa Internet at mga commercial media platform katulad ng ‘Lazada’ atbp., aba’y makikita na ‘online shopping’ na ngayon ang mga smuggled goods katulad ng ukay-ukay at kahit pa nga ang sibuyas!
Aber, Comm. Yogi, “subukan” mo lang ‘i-type sa Lazada halimbawa ang ‘factory sealed bales’ na produkto at huwag kang mahiya kung ang bumulaga sa inyo ni Depcomm Juvymax ay bulto-bultong larawan ng mga ukay-ukay—na mahigpit ipinagbabawal ng batas, hehehe, ayy, huhuhu!
Mayroon din mga ‘sellers’ na nagpapakita ng mga produkto katulad ng mga ‘GM’ (general merchandize) na batid ng mga may alam na ‘smuggled goods’ sa litrato pa lang!
Kaya ang tanong, Pang. BBM, “saan” nanggaling ang mga ‘yan at ang mas malufet na tanong, “paano” nakalusot sa mahigpit na pagbabantay ng BOC, aber?
Mainam siguro na magtayo na rin ng sariling ‘cybercrime monitoring group’ ang BOC para lang matiyak na hindi nasasayang ang kanilang pagod sa paglaban sa smuggling?
At “matukoy” na rin kung “sino” sa mga operatiba ng BOC ang “kasabwat” ng mga smugglers sa pamamagitan ng simpleng ‘backtracking’—mula sa tindahan, “sundan” saan naman nanggaling ang kanilang mga paninda.
Siyempre, ayaw naman nating paniwalaan ang ibinubulong ng ibang miron na ginagawang “ogags’ ng ilang mga “ogags” sa pantalan si Comm. Yogi dahil mataas ang bilib natin sa kanyang kakayahan—na nasaksihan natin sapul pa noong siya ang ESS director.
Ang sinasabi natin dito ay ang sinasabi ng mga miron na kahit ang mga nakumpiskang agri products katulad ng sibuyas at carrots, ‘nire-recycle’, mahal na PBBM—sa halip na dalhin sa condemnation facility na siyang regulasyon ng pamahalaan.
Abah, kaya siguro sandamamak ang ibinebentang sibuyas sa Lazada sa murang halaga?
Ayon pa sa mga miron, ‘paper condemnation’ na lang daw ang nangyayari at ang mga produkto ibinabalik sa merkado katulad ng Divisoria—na nahuhuli naman sa operasyon ng IG ni Depcomm Juvymax.
Aber, sa termino ni Comm. Jagger. ‘naka-broadcast’ sa pamamagitan ng direct CCTV ang ano mang condemnation kaya tila mahirap paniwalaan ang alingasngas na ito. Maliban kung wala nang monitoring? ‘’Yun lang, hehe!
At ano yan, parang “botcha” lang ganun, o karneng ‘double dead’ dahil ‘two times’ din kung makumpiska ng BOC, ahahay!
Hmm. Kaya rin ba ipinipilit ng ilang mga “matatalino” d’yan sa DA kay PBBM na para “hindi masayang,” ibenta na lang sa mga Kadiwa stores ang mga smuggled agri goods tulad ng sibuyas, kahit bawal sa batas? Pakonsuwelo sa smuggler, ganern?
Aber, kung ako naman sa ating mahal na Pangulo, ‘yung mga nagpapanukala ng ganyan, dapat niyang suspendihin at paimbestigahan, pronto!
Bakit kanyo? Dahil pagkunsinti sa smuggling ang buod ng panukalang ito, ano pa nga ba?
Oh well, harinawang matuldukan na talaga ang problema sa smuggling dahil kawawa ang ating industriya, kawawa ang ating ekonomiya at kawawa ang ating mga magsasaka. Harinawa.
Abangan!