Grupo ng riders umalma sa Grab-Move It ‘deal’
Nanawagang isulong muna kapakanan, proteksyon ng riders
HINDI ikinatuwa ng isang grupo ng riders ang naging “bentahan” sa pagitan ng Grab at Move It nitong nakaraang Agosto.
Ayon sa National Chairman ng Arangkada Riders’ Alliance na si Rod Cruz, sana raw ay pinatapos muna ng Grab at Move It ang ginagawang “pilot study” para sa motorcycle taxis at nag-antay na magkaroon ng maayos na sistema at mga regulasyon upang siguradong protektado ang kapakanan at hanapbuhay ng riders.
Dagdag pa ni Cruz, wala silang problema sa planong “expansion” ng Grab at Move It pero prayoridad nila ang “kapakanan, kaligtasan, at oportunidad” ng riders na hindi pa masyadong nabibigyang linaw sa ngayon dahil umaandar pa ang pilot study at hindi pa naisasabatas ang “Motorcycle Taxi Bill”.
“Nakikita naman namin ito bilang isang magandang oportunidad dahil hanapbuhay ito para sa ating riders. Pero hindi mo maiaalis ang pag-aalala dahil marami sa aming riders ang nakaranas na ng hindi magandang pagtrato ni Grab. Yung halos buong araw kumakayod pero kakarampot ang uwi sa pamilya. Expansion? Okay yan. Pero ayusin niyo muna kung paano ninyo tinatrato ang riders ninyo. Kung wala ang riders, wala rin kayo dyan,” batid ni Cruz.
Mapapanatag lamang daw ang loob ng grupo ni Cruz kung maisasabatas na ang “Motorcycle Taxi Law”. Ito daw ang tanging paraan upang hindi abusuhin ang karapatan ng riders at masiguro na sila ay protektado at hindi madedehado.
Nitong nakaraang buwan, maaalalang nag-strike ang halos 500 Grab drivers sa Angeles City, Pampanga. Pino-protesta nila ang diumano’y pagpapatupad ng bagong delivery fee kung saan halos wala na silang kikitain. Mula sa P49 delivery fee para sa unang kilometro, bumaba daw ito sa P26, halos kalahati ng dating presyo.
Ilan lamang daw ito sa mga kinakatakot ng Arangkada Riders’ Alliance na patuloy mangyayari kung mapapatagal pa ang nasabing pilot study ng motorcycle taxis at matetengga ang pagsasabatas ng Motorcycle Taxi Bill.